SA wakas, makalipas ang 117 taon, ang mga kampana ng Balangiga, na simbolo ng mapait na kasaysayan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano sa digmaang Pilipino-Amerikano na naging hudyat ng pagtatapos ng pananakop ng mga Espanyol at ang pagsisimula ng kolonyal na panahon ng Amerikano, ay magbabalik na sa simbahan sa Samar kung saan ito kinuha bilang “war booty” noong 1901.
Ang digmaang ito sa pagitan ng mga rebolusyonaryong Pilipino na nagtagumpay sa paggapi sa tropa ng mga Espanyol sa maraming labanan, para lamang kaharapin ang isang panibagong makapangyarihang mananakop, ang Estados Unidos ay opisyal na nagtapos sa pagkakadakip kay Heneral Emilio Aguinaldo ng mga Amerikano sa Palanan, Isabela noong Marso 2, 1901.
Ngunit nagpatuloy sa pakikipaglaban ang mga Pilipinong guerrilla. Noong Setyembre 29, 1901, inatake ng mga guerrilla na pinamumunuan ni Hen. Vicente Lukban ang garrison ng US sa Balangiga, Samar, na pumatay sa 48 at sumugat sa 22 tropa ng US 9th Infantry—ang pinakamalalang pagkatalo na sinapit ng US Army mula noong digmaan nito laban sa mga Amerikanong Indiano noong 1876. Bilang paghihiganti, ipinag-utos ni Gen. Jacob Smith sa kanyang tropa na gawing “howling wilderness” ang buong Samar. Pinatay nila ang nasa 2,500 Pilipino at kinuha bilang ‘war booty’ ang tatlong kampana ng simbahan ng Balangiga.
Kalaunan, nasadlak sa isang court-martialed si General Smith mula sa utos ni President Theodore Roosevelt at napilitang magretiro dulot ng naganap na kalupitan. Ngunit hindi kailanman naibalik ang mga kampana ng Balangiga, dalawa sa mga ito ang napunta sa base ng Air Force sa Wyoming at ang isa ay kasalukuyang nasa kampo ng US sa South Korea.
Maraming opisyal ng Pilipinas, kabilang si dating Pangulong Fidel V. Ramos ang humiling sa US para sa pagsasauli ng mga kampana, ngunit mahigpit itong tinutulan ng mga opisyal at pamilya ng mga militar na Amerikano na namatay sa Balangiga. Muling binuhay ni Pangulong Duterte ang apela, ngunit hindi nagtagumpay. Hanggang sa imbitahan siya ni President Trump na bumisita sa US, na kanyang tinanggihan, sa pagsasabing hindi siya kailanman pupunta doon hanggat hindi naisasauli sa bansa ang mga kampana.
Naikuwento rin ito ng bagong talagang Secretary of foreign Affairs na si Teodoro Locsin nitong nakaraang linggo, sa isang pulong-balitaan sa Singapore kung saan dumadalo si Pangulong Duterte ng ASEAN summit. Sinabi ni Locsin na minsang siyang tinanong ni US representative to the United Nations Nikki Haley hinggil sa pagtanggi ni Pangulong Duterte na bumisita sa US at nabanggit niya rito ang tungkol sa mga kampana ng Balangiga. Tila lumalabas na naikuwento ito ni Haley kay Defense Secretary John Mattis.
Nitong nakaraang Miyerkules, opisyal na inanunsiyo ni Secretary Mattis ang nalalapit na pagbabalik ng mga kampana sa Pilipinas. Nakipagkamay ito kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez sa Warren Air Force Base sa Wyoming kung saan sila dumalo sa isang Veterans Remembrance Ceremony.
Tunay namang naging isang mahabang istorya ito na nag-ugat sa isang digmaan at kamatayan at mapait na paghihiganti, ngunit nalalapit na itong magwakas sa pagbabalik ng mga kampana, ang huling alaala ng masaklap na digmaang Pilipino-Amerikano. Ang Amerika sa kasalukuyan, ang isa sa pinakamalapit nating kaibigan at kaalyado; hindi na nila kailangan ng isang ‘booty’ na magpapaalala sa kanila na dati tayong magkaaway.
Para sa ating mga Pilipino, matagal na nating nakalimutan ang kapaitan ng digmaang ito, lalo’t tinabunan na ito ng mga kaganapan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan magkasamang lumaban ang mga Pilipino at Amerikano kontra sa pananakop ng mga Hapon at kalaunan ay sa Korean War at sa Vietnam War. Malapit na, maaaring bago mag-Pasko ngunit siguradong sa Enero ng susunod na taon, nakauwi na ang mga kampana at muling bumabatingting para sa mga tao ng Balangiga, Samar, hindi na bilang isang ‘war booty’ o tanda ng sigalot kundi bilang simbolo ng kapayapaan at pagkakaibigan.