Umapela kahapon si Senator Win Gatchalian sa Commission on Higher Education (CHED) na ikonsidera ang kanilang polisiya sa pagtanggal ng Filipino at Panitikan sa curriculum sa kolehiyo, lalo pa ngayong tumitindi ang panawagan na ibalik ito.
Nauna nang kinatigan ng Korte Suprema ang CHED Memorandum No. 20 series of 2013 na nagtatanggal sa subject na Filipino at Panitikan sa mga school curriculum ng kolehiyo.
“Sana ay magbago ang isip ng CHED. I am hoping that Chairman Popoy de Vera will see the wisdom in including Filipino and Panitikan as core general education (GE) courses,” sabi ni Gatchalian.
Ang panawagan ay ginawa ni Gatchalian matapos na ihayag ng akademya, sa pangunguna ni National Artist Bienvenido Lumbera, na ang nasabing polisiya ay ikinasa pa sa panahon ni CHED Chairperson Patricia Licuanan noong 2013.
Mahalaga, aniya, ang Filipino dahil ito ang ating pambansang wika, at kailangang ituro sa lahat ng antas sa edukasyon hanggang kolehiyo.
“Sa pagtatanggal ng dating pamunuan ng CHED noon sa Filipino at Panitikan sa kolehiyo para bang sinabi na rin nila na hindi karapat-dapat na mas mataas o mas malalim na pag-aaral ang ating sariling wika at literatura,” banggit pa ng senador.
-Leonel M. Abasola