AYON sa kasaysayan, ang pista ni San Clemente sa Angono ay nagsimula pa noong 1880 nang si Kapitan Francisco Guido, ang may-ari noon ng Hacienda de Angono na nakatayo sa isang simbahan sa Biga (isang magubat na pook na malapit sa bundok na ngayon ay isa nang malaking subdivision). Ginawa niyang patron o pintakasi si San Clemente, ang ikaapat na Papa sa Roma. Mula noon hanggang ngayon, sa kabila ng mga pagbabago ng panahon, patuloy na ipinagdiriwang ang Pista ni San Clemente tuwing ika-23 ng Nobyembre.
Ang pagdiriwang na ito ay sinisimulan sa siyam na gabing Nobena-Misa sa simbahan. Dinadaluhan ng mga namamanata at ng iba pang may debosyon kay San Clemente. Sa bawat gabi, matapos ang Nobena-Misa, sinusundan ito ng pagsasayaw ng mga deboto sa harap ng simbahan sa saliw ng tugtuging martsa ng Angono National Symphonic Band. Ang mga martsang tinutugtog ay komposisyon ng National Artist na si Maestro Lucio D. San Pedro. Pagkatapos ng tugtog ng banda ng musiko at ng sayaw ng mga deboto, sumisigaw sila ng “Viva San Clemente!” kasabay ng masayang kalembang o repke ng mga kampana ng simbahan.
Bahagi rin ng kapistahan ang parada ng mga banda ng musiko sa Bisperas Maypores o bisperas ng pista tuwing Nobyembre 22.Nagsisimula ng 9:00 ng umaga sa bukana ng Rainbow subdivision sa Barangay San Isidro at nagwawakas sa harap at patyo ng simbahan. Sa saliw ng tig-isang tugtuging martsa ng mga banda ng musiko, ang mga deboto at may panata kay San Clemente ay nagsasayaw. Sa bawat pagtatapos ng tugtog ng banda ng musiko, masayang kumakalembang ang mga kampana.
May Pagoda sa Dagat o fluvial procession din sa Laguna de Bay na bahaging sakop ng Angono. Ang bahaging ito ng kapistahan ay paggunita sa buhay ni San Clemente nang itapon siya sa dagat ng Crimea ng mga pagano o mga ‘di binyagan. Nagsisimula ang Pagoda sa Dagat matapos ang concelebrated mass ganap na 6:00 ng umaga.
Ang Pagoda ay tila malaking altar na nakapatong sa anim na malalaking bangkang-pukot na pinagdikit-dikit. Dito isinasakay ang imahen nina San Clemente, San Isidro at Mahal na Birhen. May palamuting mga banderang kulay puti at pula, mga dahon ng Kamuning at mga bulaklak. Sa itaas ng Pagoda nakalagay ang isang malaking bandera na nakalarawan ang angkla at tiara ni San Clemente na simbolo o sagisag ng Papa sa Roma.
Hinihila ang Pagoda ng mga kabataang lalake, mga propesyonal at iba pang mga kabataang may panata at debosyon kay San Clemente. Sa paghila ng Pagoda, ang mga humihila ay nakatatapak at nakahuhuli ng mga isdang tulad ng kanduli, dalag, tilapia, ayungin, bangus, karpa at iba pang uri ng isda sa lawa. Tinutuhog ang mga nahuling isda at isinasabit sa andas nina San Isidro, San Clemente at ng Mahal na Birhen. May paniwala na kapag maraming nahuling isda, sa susunod na taon ay magiging sagana ang biyaya sa Laguna de Bay.
Habang hinihila ang Pagoda, ay sinisimulan na ang “Rosario Cantada” o pagdarasal ng mga nasa loob ng Pagoda.
Ang mga nakasakay naman sa mga bangkang de-motor na sumusunod sa Pagoda ay naghahagis ng mga tinapay, mansanas at prutas sa mga humihila ng Pagoda. Ito’y panata nila tuwing sasapit ang kapistahan ni San Clemente.
Matapos ang Pagoda, kasunod na nito ang masaya at makulay na parada paahon sa bayan. Kasama sa parada ang lahat ng lumahok sa fluvial procession. Pangkat-pangkat.
Nagwawakas ang masayang parada sa harap ng simbahan ng Angono na ang huling bahagi ay ang pagsasayaw ng mga sumama sa Pagoda sa Dagat at ng ibang mga deboto ni San Clemente.
Ang Pista ni San Clemente ay binigyang-buhay sa imortal na mural painting ng National Artist na si Carlos Botong Francisco na noong nabubuhay pa ay kasama sa Pagoda. Ang awit at tugtugin para kay San Clemente ay kinatha naman ng National Artist na si Maestro Lucio D. San Pedro.
Nag-iiwan lagi ng masaya at makulay na alaala sa mga taga-Angono ang Pista ni San Clemente. At higit sa lahat, sa puso ng mga taga-Angono, hindi nawawala ang pagpapahalaga sa tradisyon at kultura. Sa pagdiriwang, ang diwa ay laging nakaugnay sa Diyos, sa namanang kultura, tradisyon at kasaysayan.
-Clemen Bautista