Nakauwi na sa bansa nitong Sabado ang 15 sa 21 Pilipinong seafarer na na-stranded sa India noong Hunyo matapos silang abandonahin ng may-ari ng barko,iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa natanggap na ulat ng DFA mula kay Ambassador to India Ma. Teresita C. Daza, ang natitirang anim na Pinoy seaman na crew members ng M/V Evangelia M ay pauuwiin na rin sa Pilipinas kapag naisyuhan na ng exit clearance.
Sinabi ni Daza na nagtutulungan ang Embahada ng Pilipinas sa New Delhi at Konsulado ng Pilipinas sa Chennai sa Indian port authorities at sa Admiral Shipping Agency, ang local agent sa India, para resolbahin ang kaso.
Nakikipag-ugnayan din ang DFA sa local manning agency na Evic Human Resource Management Inc. para mabayaran ang natitirang suweldo at mabigyan ng probisyon sa legal assistance ang mga seaman.
-Bella Gamotea