ANG mga guro ay itinuturing na magulang ng mga mag-aaral. Nagmumulat sa mga kabataan ng magandang asal, humuhubog sa kanilang pagkatao at nagsasalin ng karunungan upang sa darating na panahon ay maging kasangkapan sa pagkakaroon ng hanapbuhay. Sa bahagi ng tulang isinulat ng inyong lingkod na may pamagat na
‘Ang Mutya Kong Guro,’ ay ipinahayag ko ang aking pagpapahalaga at pagpupugay sa mga guro. Narito ang ilang bahagi ng aking tula:
“Gabay ng talino at tanglaw sa karimlan, Bukal ka ng dunong nitong kamusmusan; At ng aking diwang sa aral mo’y uhaw. Magulang ko ikaw sa silid ng dunong, Loob mo’y busilak, puso’y mahinahon; Puso’y mahinahon, tagapag-ingat ka ng mabuting bunga at dakilang layon.”
May nagsasabi naman na ang mga guro, kahit mababa noon ang suweldo at kahit malaki na ngayon, ay nakikita ang kanilang lantay na dedikasyon sa pagtuturo. Para sa kanila, ang paglilingkod ang una sa kanilang puso. Ang pagtuturo ay isang misyon. Ang mga guro ang nagsisilbing ilaw ng mga mag-aaral pagdating sa karunungan at kaalaman. Ang mga guro rin ang nagsisilbing halimbawa sa pagkakaroon ng mabuting asal.
Sa Rizal, ang mga guro ay hindi nalilimutang bigyang-halaga at pagkilala tuwing sasapit ang Nobyembre. Sa pamamagitan ito ng “Guronasyon” o GUro at koroNASYON. Sa pamamagitan nito, ang mga natatanging guro sa Rizal ay binibigyan ng pagkilala at parangal sa paniwalang sa kamay nila nakasalalay ang kinabukasan ng mga kabataan.
Ito ay inilunsad ni dating Rizal Cong. Bibit Duavit noong 1994, bilang pagkilala sa mga natatanging guro sa Rizal. Kabalikat sa paglulunsad ng nasabing proyekto si dating Rizal Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr. at sa pakikipagtulungan nina Representative Michael Jack Duavit, ng unang Distrito ng Rizal; Rizal Gov. Rebecaca Nini Ynares; at ng Province of Rizal Education Development Advisory Council (PREDAC).
Ngayong Nobyembre, nakatakdang parangalan ang mga napiling natatanging guro mula sa DepEd Rizal, DepEd Antipolo, University of Rizal System (URS), at TESDA (Technical Education School Development Authority).
Sa Donya Aurora Street, Barangay Poblacion Itaas, Angono, Rizal, agaw-pansin ang mga relief sculpture ng National Artist na si Carlos Botong Francisco. Sa bukana ng Sitio Balite, Bgy. Poblacion Itaas ay makikita ang mga busto nina Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro. Sa ibaba ng busto ay mababasa ang pagkilala ng pamahalaan sa dalawang National Artist.
Sa dalawang bahagi ng bakod na pader ng bahay ni Francisco ay nakaukit ang dalawa niyang mural painting, at sa tabi ng bahay ng National Artist ay may isang art gallery, na pinamamahalaan ng kanyang apo na si Totong Francisco, na isa ring pintor.
-Clemen Bautista