BAYAMBANG, Pangasinan – Patay ang isang dating konsehal, na kandidato rin sa 2019 midterm elections, habang sugatan ang isang empleyado ng isang eskuwelahan nang pagbabarilin sila ng hindi pa nakikilalang mga lalaki sa Barangay Zone 2, Bayambang, kahapon ng umaga.
Dead on arrival sa Bayambang District Hospital si Levin Uy, managing director ng Kasama Kita sa Barangay Foundation at dating municipal councilor sa nasabing bayan, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Sugatan naman si Cesar Salosagcol, nasa hustong gulang, admin aide ng Bayambang National High School, at naka-confine sa naturang pagamutan.
Ayon kay Pangasinan Police Provincial director, Senior Supt. Wilzon Joseph Lopez, naganap ang insidente sa Bgy. Zone 2, bandang 7:00 ng umaga.
Aniya, mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Narekober sa pinangyarihan ang dalawang basyo ng bala ng .45 caliber pistol.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
-Liezle Basa Iñigo