NAKATAKDANG idepensa ng Adamson ang unang titulong napanalunan bilang kampeon sa UAAP Cheerdance Competition ngayong Season 81 na idaraos sa MOA Arena sa Pasay.

Inaasahang magli-level-up ang ipapakitang performance ng Adamson Pep Squad upang mapanatili ang hawak na korona.

Inaasahan namang mas magiging mahigpit ang labanan ngayong taon lalo pa't kapansin-pansin na ang malaking improvement ng lahat ng koponan na pinatunayan ng pagwawagi ng Adamson at pagtapos na 3rd place ng University of the East Pep Squad noong isang taon.

Base sa order of performance ngayong Season 81, huling sasalang ang Adamson ngayong hapon.

Ang sorpresang podium finisher na University of the East ang unang sasalang na susundan ng isa sa mga crowd favorite University of the Philippines na magtatangkang makabalik sa podium pagkaraang mawala sa nakalipas na taon.

'I really love you kuya!' Tapatang Pacquiao brothers, ekis mangyari!

Ikatlo naman sa listahan ang nakaraang taong runner-up University of Santo Tomas Salinggawi Dance Troupe na susundan ng De La Salle University Animo Squad.

Susunod naman ang isa pang paborito at dating kampeong National University Pep Squad habang pang-anim naman ang Ateneo de Manila Blue Babble Batallion at pampito ang Far Eastern University Cheering Squad.

-Marivic Awitan