NAPAPANAHON nang muling ungkatin at iparating sa ating mga kababayan – lalo na sa maliit na grupo ng mga paham sa ating lipunan -- ang mga salitang ito ni Gat Jose P. Rizal: “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayup at malansang isda; Kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng isang sa atin ay nagpala.”
Walong taong gulang lamang noon si Pepe (palayaw ni Rizal) nang isulat niya ang mga salitang ito bilang bahagi ng tulang ‘Sa Aking mga Kababata,’ na may limang saknong na may tig-apat na taludtod, at ang buod nito ay ang pagmamahal na dapat ibigay sa ating Inang Wika – ang Filipino.
Noong panahong iyon, ang mga naghaharing wika sa bansa ay Latin at Español – ‘di pa palasak ang English noon -- na ang tanging gumagamit ay mga prayle, mayayaman at opisyal sa pamahalaan.
Mainit ang isyung ito sa pagitan ng mga grupong nagsusulong ng paggamit ng Filipino sa lahat ng bahagdan ng edukasyon sa bansa, na sinalungat at napagtagumpayan naman ng maliit na grupo ng “paham sa edukasyon” -- sa tulong ng susog ng Korte Suprema na ipinalabas nito lamang Nobyembre 10, 2018 – na tumatalima lamang sa interes at kapakanan ng iilan.
Ni hindi man lang gumagawa ang mga “paham” na ito nang sapat at nararapat na konsultasyon sa mga propesyonal at dalubhasa, at naging walang pakundangan sa magiging kalagayan ng mga guro at mag-aaral ng Filipino.
Sa kabuuan ng desisyong ito, lumalabas na pag-uulit lamang ang pag-aaral ng Wikang Filipino sa kolehiyo ng lahat ng natutuhan ng mga mag-aaral sa high school at elementarya.
Nangunguna sa mariing pagtutol na ito – na burahin ang Filipino sa kurikulum ng mga pamantasan at kolehiyo -- ay ang mga kagawaran ng mga respetadong pamantasan, gaya ng Ateneo de Manila, na ang sinisisi ay ang Commission on Higher Education (CHEd) Memorandum Order na 20, series of 2013, na pinagtibay nga ng Korte Suprema.
Anila, nag-uugat ang mga pagtatangkang ito sa maling pagkakaintindi sa pag-aaral at pagtuturo sa Filipino sa antas na tersiyaryo.
Depensa nila -- hindi lamang midyum ito sa pagtuturo kundi isang disiplina na kailangang ituro sa antas ng tersiyaryo at gradwado bilang integral na bahagi ng anumang edukasyong propesyonal; hindi ito nangangahulugang pagtalikod at paglimot sa mga wikang rehiyonal, bagkus kakabit ito ng pag-aaral bilang disiplina sa pagtatanghal at paglingap ng mga wika at kultura ng bayan; hindi ito pag-uulit sa mataas na paaralan, at sa halip ay pagpapalawig ng mga batayang kasanayan na natutuhan ng mga mag-aaral sa mga nauna nilang pag-aaral upang higit silang makaunawa at makapagtaya sa mga nagaganap sa ating bayan.
“Nakikiisa kami sa malawakang panawagan na huwag alisin ang araling Filipino at Panitikan sa antas na tersiyaryo, at sa pagsusulong ng tunay na reporma sa edukasyon,” bahagi ng kalatas ng Kagawaran.
Ang tila malamyang sagot naman ng CHEd (sa wikang English ha!) sa isyung ito – pag-aaralan daw nila: “The Commission will continue to uphold the rule of law, study the issues raised by education stakeholders.”
Ang tumimo sa aking isipan ay ang diretsahang sagot sa isyu ng isang pedicab drayber, na estudyante sa gabi sa isang kolehiyo sa Novaliches, Quezon City.
Huwag naman sanang magalit ang LODI niyang si Gat Jose Rizal dahil mas akma raw ang ipapalit niyang salita sa isang bahagi ng tula nito: “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay masangsang pa sa uod at bulok na daga.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.