Posibleng pumasok bukas sa Philippine area of responsibility (PAR) ang isa pang bagyo na namataan sa bahagi ng Mindanao, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ipinahayag ni Ariel Rojas, weather specialist ng PAGASA, na huling namataan ang nasabing sama ng panahon sa layong 2,715 kilometro sa silangan ng Mindanao, kahapon ng umaga.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 kilometers per hour (kph).
Nananatili pa rin ito sa bisinidad ng PAR hanggang kahapon, at kapag nakapasok sa bansa sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga ay tatawagin itong ‘Samuel’.
Ito na ang ika-19 na bagyong pumasok sa Pilipinas ngayong taon.
Sinabi ni Rojas na taglay ng nasabing sama ng panahon ang lakas ng hanging nasa 45 kph at bugsong hanggang 60 kph.
-Ellalyn De Vera-Ruiz