NAGULAT ang reporters sa presence ng mahusay na action filmmaker na si Toto Natividad sa media launch ng Cain at Abel ng GMA-7.
Alam ng lahat sa entertainment industry na si Direk Toto ang nasa likod ng action scenes ng Ang Probinsyano ng ABS-CBN, kaya agad namin siyang inusisa kung bakit nasa Kapuso Network na siya.
“Wala namang problema, nagpaalam naman ako ng maayos,” nakangiti at malumanay na sagot niya. “Natagalan nga ang pagpayag nila, pero okay na.”
Ayon sa GMA executive na si Redgie Magno, hindi pa nagdidirehe ng bagong TV series nila si Direk Toto. Nasa exploratory talks pa lang daw sila at humihingi sila ng inputs ni Direk.
Guest director ang nakalagay sa ibabaw ng pangalan ni Toto Natividad sa trailer ng action series na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo. Bagamat hindi pa direktrang nagdidirihe, sa trailer pa lang ng Cain at Abel, kitang-kita na agad ang tatak Toto Natividad.
Hindi na ito kagaya ng ibang attempt ng Siyete sa action series dahil mas malalaki na ang action sequences.
“Ayokong nagmumukhang pang-TV lang ang action scenes, gusto ko laging malaki na pangsine,” pahayag ni Direk.
Masaya siya na nawala man sa uso ang action movies, naipalis na ito sa TV.
“Matagal akong naghintay,” aniya, “pero never akong gumawa ng ibang genre. Nagtiyaga ako, kasi alam kong may cycle sa taste ng viewers. Nagbunga naman ang paghihintay ko.”
Babanggain pala niya ang dati niyang TV series na number one ngayon simula sa Lunes?
“Hindi naman namin inaambisyon na talunin, hindi na masama kung makakuha kami ng kahit ten points,” sagot ni Direk Toto.
-DINDO M. BALARES