50 puntos na panalo vs Utah; Lakers, kumubra ng 4-0 winning run

DALLAS (AP) — Sa harap nang nagbubunying home crowd, naitala ng Mavericks ang pinakamatikas na panalo at marka sa NBA ngayong season matapos paluhain ang Utah Jazz, 118-68, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Nanguna si Harrison Barnes sa ratsada ng Mavs sa naiskor na 19 puntos para ipatikim sa Jazz ang pinakamasaklap na kabiguan mula nang lumipat ang prangkisa sa Utah.

Natikman ng Jazz – sa teritoryo ng New Orleans – ang 56 puntos na kabiguan sa Milwaukee (158-102) noong Marso 14, 1979.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Naitala ng Dallas ang franchise mark sa pinakamababang puntos sa karibal sa halftime (22 puntos) at 13 sa third quarter at siyam sa fourth period. Ang dating record ay 23 kontra sa Sacramento noong Jan. 14, 2012. Ang 50-puntos na bentahe ang ikalawang pinakamalaking panalo ng Dallas kasunod sa 53-puntos laban sa Philadelphia.

Hataw din si J.J. Barea sa naiskor na 14 puntos, habang tumipa sina Luka Doncic at Dwight Powell ng tig-13 puntos at kumana si Dorian Finney-Smith ng 11 puntos. Nakopo ng Mavericks’ backups ang kabuuang 66 puntos.

Nanguna si Ricky Rubio saUtah na may 11 puntos, habang nalimitahan sina Rudy Gobert at Donovan Mitchell sa tig-10 puntos.

PISTONS 106, RAPTORS 104

Sa Toronto, naisalpak ni Reggie Bullock ang buzzer-beating jumper para akayin ang Detroit Pistons sa gabuhok na come-from-behind win.

Ratsada si Blake Griffin sa naiskor na 30 puntos at 12 rebounds, habang kumana si Reggie Jackson at Langston Galloway ng tig-13 puntos at tumipa si Stanley Johnson ng 12 puntos para sa Pistons, naghabol sa 19 puntos na pagkakabaon.

Nanguna si Kawhi Leonard sa Raptors sa nakubrang 26 puntos at tumipa si Pascal Siakam at Greg Monroe ng tig-17 puntos para sa ikalawang sunod na home games loss matapos ang matikas na 7-0 simula.

Naghabol ang Detroit sa 88-77 sa pagsisimula ng fourth period at naagaw ang bentahe sa 98-97 mula sa jumper ni Jackson may 4:54 sa laro.

Nagtabla ang iskor sa 104 mula sa jumper ni Leonard may 38 segundo ang nalalabi. Sumablay ang tira ni Griffin at nakuha ni Kyle Lowry ang rebound para sa posibleng winning shot sa Toronto may 10 segundo sa laro, ngunit dumalos ang bola sa kamay ni Leonard.

Mula sa inbound, naipasa ni Jose Calderon ang bola kay Bullock para sa buzzer-beating shot.

LAKERS 126, BLAZERS 117

Sa Los Angeles, nahila ng Lakers ang winning run sa apat na laro nang gapiin ang Portland Trail Blazers.

Isang assist ang kulang ni LeBron James para sa triple-double, sa naiskor na 44 puntos at 10 rebounds. Nag-ambag si JaVale McGee ng 20 puntos at tumipa si Brandon Ingram ng 17 puntos.

Nanguna si Damian Lillard sa Portland na may 31 puntos at 11 assists.

WOLVES 107, PELICANS 100

Sa Minneapolis, nasungkit ng Timberwolves ang ikalawang sunod na panalo mula nang bitawan si Jimmy Butler sa trade nang pangunahan nina Karl-Anthony Towns at Andrew Wiggins sa naiskor na 25 at 23 puntos, ayon sa pagkakasunod ang Wolves laban sa New Orleans Pelicans.

Nag-ambag si Jeff Teague ng 14 puntos at 14 assists sa Timberwolves.

“We were just playing together,” pahayag ni Towns. “We did a great job getting the ball around, getting everyone involved. It was just about having fun and playing with love and enthusiasm.”