Nais ng Department of Transportation (DOTr) na i-require ang mga provincial at city bus na gumamit ng bagong bukas na Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), na tinaguriang kauna-unahang landport sa bansa.
Ipinahayag ni DOTr Undersecretary Mark De Leon na hinihintay na lang nila ang ilalabas na memorandum circular ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para rito.
Habang wala pa naman, aniya, ang memorandum circular ay patuloy nilang pinapaalalahanan ang mga bus operator na gumamit ng PITX, lalo na at ilan na rin sa mga ito ang hindi sumusunod sa patakaran.
Sinabi ni De Leon na kailangang ang mga provincial bus ay mag-terminate sa PITX habang ang mga city bus naman ay kailangang pumasok at doon magbaba ng pasahero, at magsakay ng ibinababa naman ng mga provincial bus.
“Continuing naming ginagawa na pagre-remind dito sa mga bus operators habang hinihintay natin ang LTFRB naman na mag-issue ng memorandum circular dito sa mga bus operator na i-require,” ani De Leon.
“Mangilan-ngilan pa rin po ang mga bus na ‘di sumusunod sa regulasyon kaya hinihintay po talaga natin na mag-release itong LTFRB ng memo na inoobliga ang mga bus na na tumigil na ng PITX,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay De Leon, hindi kinakailangan na manatili nang matagal ng mga bus at maghintay ng pasahero sa PITX.
Maaari naman aniyang dumaan lang sila roon upang magbaba at magsakay ng pasahero, at ipagpatuloy ang kanilang biyahe.
-Mary Ann Santiago