NAKABIBILIB ang bagong passenger terminal na itinayo sa Paranaque City.
Ang Southwest Integral Bus Terminal Exchange ay nagsasagawa na ng dry run sa pagtanggap ng mga provincial bus na dati-rati’y nakabibiyahe sa Metro Manila.
At dahil sa matinding trapik na dulot ng maraming sasakyan sa Kalakhang Maynila, ipinagbawal na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga dambuhalang sasakyang ito na makapasok sa lugar.
Sa halip, ibinababa ng mga provincial bus ang mga pasahero sa major passenger terminal sa Coastal Road, Paranaque at doon sila kukuha ng iba pang masasakyan patungo sa kanilang destinasyon sa Metro Manila. Ika nga, parang ‘connecting flight’ lang mga parekoy.
Maganda ang pasilidad na itinayo ng gobyerno para sa mga pasaherong mapapadpad sa terminal na ito.
Malinis, maluwag at maaliwalas ang lugar. Marami ring itinayong palikuran para sa mga pasahero.
Nakahilera rin ang mga bagong upuan upang magsilbing pahingahan ng mga biyahero na naghihintay ng kanilang masasakyan.
Mayroon na ring ikinabit na mga TV monitor kung saan makikita ang schedule ng mga biyahe ng bus at iba pang public transportation.
Ang Paranaque Integrated Passenger Terminal ay isa lamang sa kahalintulad na pasilidad na itinatayo ng pamahalaan.
Mayroon pang isang major terminal ang minamadaling maitayo sa dating Food Terminal, Inc. (FTI) complex sa Taguig City at sa Quezon City.
Ang dating FTI ngayon ay Arca South na, isang malaking property na pag-aari ng Ayala Group of Companies.
Ang mga major facility na ito ay idurugtong sa pamamagitan ng overhead train at subway network sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). At kung makumpleto na ang pagkukumpuni ng mga naturang imprastraktura, magiging maginhawa na ang pagbiyahe.
Inaasahang mababawasan din ang dami ng mga pribadong sasakyan na bumibiyahe sa Metro Manila.
Ngunit sa isinagawang dry run, marami nang pasahero ang pumapalag sa bagong terminal.
At dahil ‘adjustment stage’ pa lang, marami sa kanila ang naimbiyerna nang maipit sa trapik ang kanilang sinasakyang bus na inabot ng kalituhan kung saan sila ibababa.
Ang iba naman ay uminit din ang ulo dahil sa imbes na makatipid sa pasahe, nadagdagan pa ang kanilang gastusin dahil sasakay pa sila ulit ng taxi, jeepney o LRT sa kanilang patutunguhan imbes na maibaba sila ng bus tulad ng dati.
Koting lamig lang ng ulo. Talagang ganyan kapag ‘honeymoon stage’ pa lang.
Kaya nga tinawag ang proseso na ‘yan bilang ‘dry run.’
Aabot din tayo d’yan!
-Aris Ilagan