MARAHIL hindi alam ng kasalukuyang henerasyon kung kailan naganap ang unang “dagdag/bawas” (DDB) sa ating halalan. Ito ang sistema ng bilangan sa eleksyon kung saan ang mga kandidatong may “konek” o limpak-limpak na salapi, kahit walang tsansa o mahina sa madlang-pipol, ay maaari pa ring makasungkit ng pagkapanalo dahil sa biniling “dag-dag” boto na ipapatong sa pagsusuma ng election results. Ang “bawas” naman ay para sa mga boto ng mga dapat mananalong kandidato, subalit minaneobra at inalisan ng ilang porsyento para iregalo sa mga katunggali.
Taong 1987 nang unang nakalasap ng DDB ang bansa sa pamamagitan ng tinagurinag “computerized senators”. Eto ‘yung panahon na katatapos pa lang ng EDSA Uno, na nagresulta sa unang halalan sa Senado sa ilalim ng 1987 Constitution. Ang resulta, 22 boto para sa “dilaw” na pamahalaan, at dalawang boto para sa Grand Alliance for Democracy (Erap at Enrile). Umamin na din sa radyo at publiko si Teddy Boy Locsin tungkol sa naganap ng “milagro” noon. Ibig sabihin, may mga umupong senador na computer at hindi taumbayan ang pumili.
Ang nakalulungkot sa kasalukuyang kalakaran ay ang ganap na paglusong ng Comelec sa paggamit ng computer bilang pangunahing tauhan sa halalan. Mas lalong napadali ang pandaraya ng mga mandurugas. Lumaki na din ang inilalako at bilihan ng boto. Noong sulat kamay pa lamang ang gamit sa balota, mas mahirap dayain ang resulta sa eleksyon. Halimbawa diyan, si Senador Antonio Trillanes, na kahit naging lantad na katunggali ni presidente Gloria Macapagal Arroyo, ay nakasipat pa ng puwesto.
Sigurado ako, kung computerized ang panahon na iyon, hindi makatutuntong si Trillanes sa Mataas na Kapulungan. Heto na tayo ngayon, at muli, padating na ang eleksyon. Nadadaan na lang sa pera ang ating demokrasya dahil sa bentahan ng boto. Ang lagi namang tinutuligsa ng sisi at siyang umano suspek sa dayaan ay tambalang ‘di matinag, ang Comelec at Smartmatic.
Sa diskarte ng “matatalinong” pulitiko ngayon, huwag n asana nilang sayangin ang kanilang pondo sa pangangampanya, pagsasagawa ng pulong, rally, at iba pa, bagkus, ipunin na lang ang kwarta at ibili ng resulta sa computer. Mas madali at mas mabilis. Hindi pa pagod ang kandidato.
-Erik Espina