Ilang linggo makaraang makumpleto ang anim na buwang rehabilitasyon sa Boracay Island sa Aklan, susunod na lilinisin at pagagandahin ng gobyerno ang isa pang sikat na holiday destination sa bansa—ang El Nido sa Palawan.

Ito ang inihayag kahapon ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu, at sinabing isinara na ng kagawaran ang 22 establisimyento sa isla dahil sa iba’t ibang environmental violations.

Sinusubaybayan pa ng DENR ang 50 iba pang establisimyento sa El Nido, ayon kay Cimatu.

Isang interagency task force, aniya, ang mangunguna sa rehabilitasyon. Ito ay binubuo ng DENR, Department of Tourism, at Department of Interior and Local Government (DILG).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang task force, ayon kay Cimatu, ang nanguna rin sa paglilinis ng Boracay Island kamakailan.

Paglilinaw ng kalihim, wala pang kautusan ang DENR para isara ang El Nido, bagamat kumpirmadong nililimitahan na ang pagtanggap ng mga turista sa isla.

Paliwanag naman ni DILG Secretary Eduardo Año, wala pa silang isinusumiteng final recommendation kay Pangulong Duterte kung paano isasagawa ang cleanup operations sa El Nido.

Sinabi ni Año na nakipagpulong na rin ang task force sa mga lokal na opisyal sa isla kaugnay ng rehabilitasyon nito.

-Ellalyn De Vera-Ruiz