BUO pa ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay ex-Bureau of Customs (BoC) Chief Isidro Lapeña hanggang hindi napatutunayang guilty sa mga bintang laban sa kanya. ‘Di ba noon ay ganito rin ang paninindigan ni ex-Pres. Noynoy Aquino sa gitna ng katakut-takot na batikos at bintang laban sa kanyang mga kalihim, kaibigan at kaalyado?
Si Lapeña na tinanggal sa BoC dahil sa kontrobersiya ng pagkakapuslit ng multi-billion-peso shabu shipment, ay nahaharap sa mga kasong katiwalian tungkol sa nawawalang 105 container na umano’y may lamang undervalued goods.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), lumabag si Lapeña sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act nang mabigo siyang pigilan ang paglalabas o release ng undervalued items mula sa Asian Terminals Inc (ATI). Nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso ang mga kargamento.
Ganito rin ang situwasyon ni ex-BoC chief Nicanor Faeldon na umalis sa ahensiya matapos masangkot sa P6.4 bilyong shabu smuggling na natagpuan sa bodega sa Valenzuela City. Sa halip na sibakin agad at kasuhan ni Faeldon, binigyan pa siya ng promosyon ni PRRD nang hirangin itong deputy chief ng Office of Civil Defense (OCD) sa Camp Aguinaldo.
Buo rin ang tiwala ng ating Pangulo kay Faeldon na kamakailan ay hinirang niyang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) kapalit ni ex-PNP chief Ronald dela Rosa na kakandidato sa pagka-senador sa 2019 mid-term elections. Hanggang ngayon yata ay hindi pa nagrereport si Faeldon sa BuCor.
Sabi nga noon ni ex-Pres. Erap Estrada: “Weder-Weder lang.” Kaya kayong mga kritiko at kalaban ng ating Presidente, magtiis na lang muna kayo at maghintay sa inyong panahon dahil “weder” ito ngayon ni Mano Digong.
oOo
Dahil sa pagkabigong humarap o dumalo sa promulgasyon ng hatol sa kasong katiwalian noong Biyernes, ipinasiya ng Sandiganbayan na kumpiskahin ang bail bond ni ex-First Lady at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda R. Marcos.
Ang dating First Lady na ngayon ay 89-anyos na, ay akusado sa pagdedeposito ng public funds na nagkakahalaga umano ng bilyun-bilyong US dollars sa Swiss banks sa loob ng 21 taon ng rehimeng Marcos. Ayon kay PNP chief director general Oscar Albayalde, sakaling mag-isyu ang Sandiganbayan ng arrest warrant laban kay Marcos, hindi na nila ito poposasan dahil sa kanyang edad, lalo na sa tulad niyang babae na wala namang rekord sa pagiging bayolente. Si Trillanes kaya ay poposasan nila kung iniutos ng korte na siya’y dakpin noon?
oOo
Irerekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao. Naniniwala si AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez na malaki ang naitulong ng martial law sa kapayapaan sa Mindanao at pagsugpo sa mga grupong terorista, tulad ng banta ng Anzar Khalifa Philippines, isang local terror group na alyado sa Islamic State.
Malaki rin ang impact o epekto ng martial law sa paglaban at pagsugpo sa karahasan ng New People’s Army (NPA) sa maraming lugar sa Mindanao. Para sa taga-Mindanao, pabor at nakabubuti sa kanila ang batas-militar. Iba ang situwasyon sa Mindanao, kumpara sa Luzon at Visayas.
-Bert de Guzman