SA Lunes na, November 19, ang pilot ng action-drama na Cain at Abel na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo. Sa teaser pa lang, makikita nang puno ng action ang bagong teleserye ng GMA-7, kaya naman, marami na ang nag-aabang sa muling pagsasama ng dalawang hari ng Kapuso Network.

Kuwento ni Dingdong, bago pa ang presscon ay ramdam na nila ni Dennis ang excitement sa pagsisimula ng airing ng Cain at Abel, at mas tumaas ang kanilang pananabik nang nang ipalabas sa harap ng mga reporter ang full trailer ng serye.

“Iba ang pakiramdam habang hindi pa pinalalabas ang trailer. Parang nanganak na gusto mo nang makita ang baby mo at sa akin, gusto ko nang makita ang produkto na pinaghirapan naming lahat. Solid ang kuwento ng Cain at Abel na tungkol sa magkapatid na nagkahiwalay ng landas at magugustuhan din ng Kapuso viewers ang action scenes,” paniniguro ni Dingdong.

Pagalingan sina Dingdong at Dennis sa action scenes at natawa ang mga reporter sa nabanggit nitong hirap siyang habulin si Dennis sa mga eksenang kailangan nilang tumakbo. Mabilis daw kasing tumakbo si Dennis, samantalang siya, nakakatakbo lang ‘pag hinahabol si Zia ‘pag naglalaro.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Hindi naman naiwasang matanong si Dingdong tungkol sa ratings ng Cain at Abel dahil katapat nila ang Ang Probinsyano ni Coco Martin.

“We all agree that the show of Coco is a league of its own at kami naman, hindi namin ginawa ang ‘Cain at Abel’ para makipagkumpetensya. Ginawa ng GMA-7 ang ‘Cain at Abel’ para sa Kapuso viewers, kaya ginawa at gagawin naman ang lahat para mapasaya at matuwa ang manonood. Ayaw naming pa-pressure sa rating dahil ‘pag nagpa-pressure kami, hindi na kami makakapagtrabaho nang maayos. Iyong pressure, sa trabaho na lang namin ilalagay,” paliwanag ni Dingdong.

Malaki ang Cain at Abel sa lahat ng aspeto at tatlo ang direktor, dahil bukod sa main director na si Don Michael Perez, guest directors din sina Mark Reyes at Toto Natividad.

Nagulat ang mga reporter kay Direk Toto dahil matagal siyang involved sa Ang Probinsyano, pero tapos na raw ang kontrata niya at nagpaalam siya kay Coco at sa ABS-CBN.

-NITZ MIRALLES