Pinag-iingat at inalerto ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mahigit 29,400 na Pinoy sa Israel dahil sa matinding kaguluhan o tensiyon sa pagitan ng puwersa ng Israeli at militanteng Palestinians sa Gaza.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Israel Neal Imperial, inabisuhan na ng Embahada ng Pilipinas sa Tel A’viv ang mga miyembro ng Filipino community na umiwas sa mga pampublikong lugar, partikular sa Netivot, Sha’ar Hanegev, Ashkelon, Ashdod, Sderot, Beersheba at ibang lugar na malapit sa Gaza, ang West Bank at Golan Heights.
Ayon kay Imperial, batay sa ulat ng Israeli sources ay may mahigit na 400 projectiles ang pinaputok patungong Israel, kaya gumanti ang Israel sa pamamagitan ng airstrike nitong Lunes.
Sinabihan ng Embahada ng Pilipinas ang mga Pinoy na nangangailangan ng ayuda na kaagad tumawag o makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.
-Bella Gamotea