DAVAO CITY – Posibleng irekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang muling pagpapalawig sa umiiral na martial law sa Mindanao.

Sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Carlito G. Galvez Jr. na ang hiling na panibagong extension sa batas militar ay nagmula mismo sa mayorya ng mga local government unit (LGU) sa rehiyon.

“Maraming mga LGUs and government officials that are looking for the extension,” sinabi ni Galvez sa isang panayam nang bumisita siya kahapon sa Eastern Mindanao Command (Eastmincom) headquarters.

Sinabi ni Galvez na nais matiyak ng mga lokal na opisyal sa Mindanao na tuluyan nang malilinis ang Mindanao sa mga grupong rebelde at terorista.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Batay sa initial assessment ng militar, maraming positibong epekto ang martial law sa seguridad at kaunlaran sa rehiyon.

Sinabi ni Galvez na pinal na magpapasya ang AFP sa rekomendasyon ng pagpapalawig sa batas militar kapag nakumpleto na nila ang kanilang assessment.

Una nang napaulat na pabor din ang Philippine National Police (PNP) na muling palawigin ang martial law, na ipinatutupad sa Mindanao simula noong Mayo 23, 2017, kasunod ng pagsalakay ng Maute-ISIS sa Marawi City sa Lanao del Sur.

-Armando B. Fenequito, Jr.