Pormal na inihain kahapon ng grupo ng mga pasahero ang isang bagong petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang muling ibaba ang minimum na pasahe sa jeepney at bus, kasunod ng serye ng big-time rollback sa gasolina.
Sa petisyon sa LTFRB na may petsang Nobyembre 12, hinimok nina Rodolfo Javellana Jr., at Arlis Acao, ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), ang Board na magsagawa ng panibagong pagtalakay sa fare adjustments.
Hiniling din ng grupo sa LTFRB na ibalik sa P8 ang minimum na pasahe sa jeep, at ang P10 at P12 pasahe sa ordinary at air-conditioned na bus kasunod ng pagtapyas sa presyo ng gasolina sa nakalipas na mga linggo.
Giit ng UFCC, kahit na ibinaba na ang mga kumpanya ng langis ang presyo ng gasolina sa limang magkakasunod na linggo ay pinahintulutan pa rin ng Board ang taas-pasahe sa jeep at bus.
Noong nakaraang buwan, inaprubahan ng LTFRB ang bagong P10 minimum na pasahe sa jeep sa Metro Manila at sa Regions 3 at 4, samantalang P1 naman ang itinaas sa pasahe ng bus sa Metro Manila.
Bago pa man tuluyang ipatupad ang taas-pasahe nitong Nobyembre 2 ay naghain ang UFCC ng motion for reconsideration sa LTFRB upang pigilan ang dagdag-singil sa mga pasahero, pero ibinasura ito ng ahensiya.
-Alexandria Dennise San Juan