NOONG bata ako, naaalala ko pa kung paanong sumisilip ako sa bintanang jalousie ng isa sa mga kapitbahay namin para lang makapanood ng telebisyon. Black and white pa noon ang TV, at malabo pa ang reception. Kailangan ko pang aninawing mabuti ang pinanonood kong pelikula para makita ito nang malinaw. Mahilig akong manood ng mga nakakatawang palabas at pelikula. Nakakagaan ito sa pakiramdam at nagagawang kalimutan ang lahat sa loob ng ilang oras.
Sa ngayon, malayo na ang nararating ng teknolohiya ng telebisyon. Sa 70-inch, ultra high definition TV ay napakalinaw nang makikita ang pinapanood mo, na para bang aktuwal mo na itong mahahawakan. Pati ang mga butil ng pawis sa noo, o kahit ang pinong balahibo sa mukha ng pinanonood mo ay malinaw na makikita. Naaalala ko, noong nanonood kami sa black and white TV, tuwing laro sa basketball ang tinututukan namin ay sa “itim o puti” lang ang pustahan namin.
Subukan n’yong sumilip sa appliance store at makikita ninyo ang naghilerang iba’t ibang TV sets na mapagpipilian—LCD, LED, OLED, QLED at iba pang mga acronyms na hindi ko na alam ang ibig sabihin. Mayroong flat TV, at mayroon ding curved TV. Buti pa dati, simple lang ang pagpipilian—colored o black and white?
May panahong ang pagmamay-ari ng TV set ay sumisimbolo sa social status. Ang mayayaman ay may pinakamagagandang TV—iyong malaki na nasa loob ng kahoy na cabinet, na kakailanganin pang buksan tuwing manonood. Ngayon, bawat bahay ay may telebisyon, ang iba nga hindi lang iisa. Kahit sa mahihirap na komunidad ay may TV ang bawat bahay.
Naging mahalagang bahagi na ng ating buhay ang telebisyon. Nagsasama-sama ang mga pamilya at magkakaibigan sa harap nito para mag-bonding at bumuo ng masasayang alaala. Taun-taon ay mayroon kaming family holiday visit sa Amerika, at may mga gabing nagtitipun-tipon lang kami sa harap ng telebisyon para manood ng feel-good comedy o romcom.
Noon, paboritong libangan ng mga pamilya ang pananatili lang sa bahay at pagrerenta ng mga tape ng Betamax, VHS, VCD, DVD, hanggang Blu-Ray discs. Ngayon, nariyan ang smart TVs at streaming services kung saan makakapanood ng mga pelikula at palabas kahit na anong oras—Netflix, HBO, Amazon, Iflix, Fox+, at iba pa.
Bagamat ang ating mga ugali at pagpapahalaga sa buhay ay naimpluwensiyahan ng ating mga magulang, ng simbahan, at ng eskuwelahan, ang pinanonood natin sa telebisyon ay may mahalagang gampanin sa paghubog sa pag-iisip ng henerasyon ng mga Pilipino. Marami tayong natututuhan sa panonood ng TV. Sa kasamaang palad, kung mayroong mabubuting natututuhan ay mayroon ding masasama, kaya naman kasama sa tungkulin ng mga magulang, hindi lang ang subaybayan kung ano ang pinanonood ng kanilang mga anak kundi ang maging laging handa sa pagsagot sa mga katanungang pumapasok sa isip ng mga bata habang nanonood.
Ganito ang sitwasyon natin ngayon. Kapansin-pansin na bagamat hindi laging nakatutok sa TV ang mga bata, abala naman sila sa kani-kanilang mga tablets at smart phones kung saan sila nanonood sa YouTube at sa iba pa. Sa parehong kasong ito, kailangang preparado ang mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak, dahil maraming panoorin sa Internet ang hindi akma para sa mga bata.
Nakamamanghang isipin kung paanong ang isang gamit sa bahay ay nakapagdudulot ng matinding impluwensiya sa ating pag-iisip at pag-uugali. Isa itong makapangyarihang paraan para makipag-ugnayan at makaimpluwensiya ng tao.
Sa nalalapit na kampanyahan para sa eleksiyon sa susunod na taon, tiyak nang magsusulputan ang sangkatutak na political advertisement. Isa ang telebisyon sa mga pinakaepektibong paraan para maipahatid ng isang kandidato ang kanyang plataporma at mga programa para sa mamamayan, at upang kilalaning mabuti ng mga botante ang kanilang ihahalal.
Ang pagbabago sa teknolohiya ay parang tubig. May panahong payapa ito at hindi gumagalaw, hanggang unti-unti itong kikilos sa umpisa. Pero may mga panahon din na rumaragasa ito na parang waterfall. Bagamat inaalala natin ang nakalipas, mahalagang tanggapin natin ang kasalukuyan at kasabikan ang tungkol sa hinaharap.
So, ano’ng papanoorin natin mamaya?
-Manny Villar