Ni Edwin Rollon
PINANGASIWAAN ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William 'Butch' Ramirez ang pagpupulong ng mga stakeholders sa table tennis upang maisulong ang pagkakaisa at mabuo ang isang organisasyon na tanggap ng lahat at may basbas ng PSC at Philippine Olympic Committee (POC).
"Natutuwa ako at medyo malungkot din kasi may mga kasama tayo sa sports na tila ayaw ng pagbabago at pagkakaisa. We're trying hard to unite the table tennis community through a consultative assembly, but sad to say, meron hindi dumating," pahayag ni Ramirez.
Hindi nakadalo at walang kinatawan na ipinadala si Ting Ledesma , pangulo ng Philippine Table Tennis Federation (PTTF), sa 'consultative meeting' na ipinatawag ni Ramirez. Ang naturang pagpupulong ay bahagi ng programa ng PSC na mabigyan ng resolusyon ang hidwaan ng mga grupo sa isang National Sports Association (NSA) at matugunan ang suliranin sa pagsumite ng 'liquidation' sa kanilang mga cash advances sa pamahalaan.
"Gusto namin sa PSC marinig ang lahat ng hinaing. Ano ba ang dahilan ng gusot at bakit nahihirapan sila (NSA) na mag-liquidate sa PSC," sambit ni Ramirez.
Sa kabuuan, may P120 milyon cash advances mula sa may 20 sports association ang hindi pa nali-liquidate sa pamahalaan.
"Kung ano ang mga problema, idudulog namin ito sa POC para mabigyan ng pansin at masolusyunan. We need to settle all the differences kasi makakaapekto ito sa paghahanda natin sa 2019 hosting ng SEA Games," ayon kay Ramirez.
Iginiit ni Ramirez na binigyan na ang PSC ng go signal ng Pangulong Duterte na isulong ang 'no liquidation, financial assistance' sa mga NSA.
Sa naturang pagpupulong sa table tennis, dumalo angmga opisyal at kinatawam ng iba't ibang samahan at organisayon sa sports tulad ng Table Tennis Association of the Philippines (TATAP) at ang pinakamalaki at pinaka-organisadong Table Tennis Association for National Development (TATAND), na pinangunahan ni honorary president Charlie Lim.
Kamakailan, nagpadala ng 26 na atleta ang TATAND sa Beijing, China para sa 'Sports Exchange' program at exhibition game sa mga atleta ng Beijing (Peking) University, Community University for Physical Education and Sports at Mejia University ng Japan.
Sa pagpupulong, iprinisinta ng grupo kay Ramirez ang 'proposed unified National election sa table tennis' na naglalayong tuldukan ang problema sa liderato ng sports.
Anila, upang maiwasan ang krisis, isama sa election ang lahat ng lehitiming table tennis club kung saan kailangan ng mga ito na magsumite ng 'notarized sworn affidavit' para matukoy kung tunay silang makatutulong sa asosasyon at hindi peke.