PINALAKAS ng Far Eastern University ang tyansang makausad sa Final Four matapos talunin ang season host National University, 79-74, nitong Linggo sa UAAP Season 81 Men’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.
Sumiklab ang laro ni Arvin Tolentino sa simula ng laro at isinalansan ang lahat ng kanyang 16 na puntos sa first half upang pangunahan ang ratsada ng Tamaraws.
“So far, these boys are playing really well the past two games. Hopefully, we can sustain this,” wika ni Coach Olsen Racela matapos ang panalo na nagtabla sa kanila sa University of the Philippines sa ikaapat na puwesto, taglay ang kartadang 7-6.
Nakatulong ni Tolentino sina Ken Tuffin at rookie L-Jay Gonzales na nagposte ng 15 at siyam na puntos, ayon sa pagkakasunod.
Kahit na umiskor lang ng siyam na puntos, nasapawan ni Gonzales ang naitalang career game ng kapwa rookie na si John Lloyd Clemente para sa Bulldogs.
Umiskor si Clemente ng season high na 38 puntos, 21 dito sa third period, kung saan humabol pa ang Bulldogs mula sa pagkakaiwan ng hanggang 16 puntos.
Ngunit, pinigil ni Gonzales ang momentum ng Bulldogs matapos umiskor ng limang sunod na puntos para ilayo ulit ang Tamaraws, 76-65, may 5:29 ang nalalabi sa laban.
Nakadikit pa ang Bulldogs at ibinaba ang lamang sa anim na puntos, ngunit isang turnover ni Troy Rike sa nalalabing 27 segundo ang tuluyang tumapos sa kanilang pag-asa.
Kinakailangan ng Tamaraws na ipanalo ang huling laban kontra Adamson University at umasang matatalo ang Fighting Maroons sa De La Salle University para makausad sila sa semi-finals.
-MARIVIC AWITAN