GAB, handa na sa pagdating ng 500 VIP sa WBC Women’s Convention
NI EDWIN ROLLON
INIHAHANDA na ng Games and Amusement Board (GAB), sa pangunguna ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang red carpet para sa pagdating ng may 500 delegado mula sa 17 bansa, kabilang ang siyam na reigning world champions sa gaganaping 3rd WBC Women’s Convention and WBC Asian Summit sa Nov. 17-19 sa Philippine International Convention Center.
Nasa listahan ng VIP para sa pamosong convention sina undefeated heavyweight Alejandra Jimenez ng Mexico, supermiddleweight Franchon Crews ng US, middleweight Christina Hammer ng Germany, featherweight Jelena Mrdjenovich ng Canada, superbantamweight Fatuma Zarika ng Kenya, bantamweight Mariana Juarez ng Mexico, lightflyweight Yesenia Gomez ng Mexico, unbeaten atomweight (102-pound limit) Fabiana Bytyqi ng Czech Republic at atomweight (interim) Brenda Flores ng Mexico.
Nasa listahan din na makikibahagi sa apat na araw na aktibidad si dating WBC superwelterweight champion Mia St. John, nalagay sa kontrobersya nang maging bahagi ng Playboy magazine noong 1999.
Ayon kay Mitra, naihanda na rin ang lahat ng pangangailangan mula sa accommodation hanggang security para sa mga bisita, tampok si WBC president Mauricio Sulaiman at ang maybahay na si Christiane Manzur, chairman ng WBC Cares.
Magbibigay ng kanyang mensahe sa General Assembly ang WBC Cares chairman, gayundin sina WBC Women’s Championship Committee chairperson Malte Mueller Michaelis at WBC Cares International chairperson Jill Diamond.
Orihinal na nakatakda ang women’s assembly sa Culiacan, Mexico, ngunit nagdesisyon ang WBC na ilipat sa Pilipinas ang hosting bilang pagkilala sa liderato ni Mitra na nagpahayag din ng kahandaan para sa pinakamalaking boxing event sa kanyang pagdalo sa WBC Convention sa Kiev, Ukraine nitong Oktubre.
Sa Manila unang ginanap ang WBC Convention noong 1967 kung saan dalawang Pinoy officials -- Justiniano Montano, Jr. (president) at Atty. Rudy Salud (secretary-general) – ang nanguna at nagbalangkas ng WBC Constitution and By-Laws na naratipikahan noong 1967 Convention.
Dalawang ulit pang nagging host ang Manila noong 1970 at 2007 sa pamumuno noon ni swimming champion at dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman Eric Buhain.
Sa itinerary ng delegasyon, magbibigay ng donasyon ang WBC Cares sa bahay apunan, habang isang ‘Tour of Corregidor’ ang nakalinya rin para sa mga delegado.
Magsasagawa rin ng boxing/muay card “The Big Challenge” sa Nov. 18 tampok ang anim na laban na isinaayos ni promoter Brico Santig. Tampok ang laban nina WBC Silver supermiddleweight titlist Azizbek Abdugofurov ng Uzbekistan kontra Chinese challenger Wuzhati Nuerlang.