SA mga taga-Angono, Rizal, lalo na sa Parokya ni San Clemente, ang ika-14 ng Nobyembre ay mahalaga tuwing sasapit sapagkat simula ito ng siyam na araw na nobena-misa para kay San Clemente—ang patron saint ng Angono, Rizal. Ang nobena-misa ay paghahanda sa idaraos na kapistahan ni San Clemente sa darating na Nobyembre 23.
Si San Clemente, ayon sa kasaysayan ng Simbahan at kanyang talambuhay, ay ang ikaapat na Papa sa Roma. Si San Clemente ang tinutukoy ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos (4:3) na ang pangalan, tulad ng iba niyang kasamahan, ay nakasulat sa Aklat ng Buhay. Ayon kay Irineo, sinundan ni San Clemente sa pagka-papa si Cleto. Nanungkulan si San Clemente sa loob ng siyam na taon hanggang sa kanyang pagkamatay noong taong 100.
Ang kabanalan at kabayanihan ni San Clemente ay makikita sa kanyang walang maliw na pagmamahal kay Kristo: isang maliwanag na katibayan ng paggalang at pagsunod ng mga unang binyagan sa kataas-taasang pinuno ng Simbahan—ang Santo Papa.
Nang magkagulo ang mga taga-Korinto dahil sa pagsuway ng ilan sa kanilang mga obispo, si Papa Clemente ang lumutas sa suliranin. At ang lahat ay sumang-ayon at sumunod sa kanyang pasya. Sa loob ng matagal na panahon, binabasa sa mga simbahan sa Korinto ang liham na isinulat ni San Clemente. Tulad ng isang mabuting pastol, pinakain ang kanyang mga tupa ng mabubuting aral at ipinagtanggol sa mga kaaway sa pamamagitan ng kanyang pangaral at kapangyarihan.
Hindi matiyak kung paano siya namatay. May nagsasabi na ipinadala siya sa mina ng marmol at pagkaraa’y inihagis sa dagat nang may pabigat sa kanyang leeg noong kapanahunan ni Trajano. Si San Clemente ang itinuturing na patron saint o pintakasi ng mga marinero, minero at bangkero.
Sa bahagi ng aral ni San Clemente, hindi na malilimot ang kanyang sinabi: “Ang bunga ng pag-ibig ay ang pagkakaisa. Dinala tayo ng pag-ibig ng Diyos, pinipisan tayo sa kanya at binibigyang-lakas upang pagtiisan ang lahat. Kung walang pag-ibig, ang lahat ay ‘di kalugud-lugod sa mata ng Diyos.”
Sa nobena-misa kay San Clemente, dinadaluhan ito ng mga taga-Angono at ng iba pang may panata at debosyon na mula sa mga karatig-bayan. Sa bawat gabi ng Misa para kay San Clemente, ang mga nagmimisa ay mga paring taga-Angono na nakadestino sa iba’t ibang parokya ng Diocese ng Antipolo. May nagmimisa ring pari na dating parish priest sa parokya ni San Clemente.
Sa misa, sa bahagi ng komunyon, inaawit ng choir ang Dalit—awit-panalangin kay San Clemente. May siyam na saknong ang Dalit kay San Clemente. Ganito ang isang halimbawa ng panimula at bahagi ng Dalit; “Mapaghimala ka na Santo Papa’t Martir ni Kristo/ ikaw ang siyang hinirang/ ng hari sa kalangitan/ Magkupkop nitong bayan/ na Angono ang pangalan/ Uliran ka ngang totoo/ na aasalin sa mundo”.
Sumasagot naman ang mga nagsisimba at nagnonobena: “San Clemente, Pakamtan mo sa amin ang iyong saklolo.”
Ang misa ay winawakasan sa dalawang beses na pagsigaw ng paring nagmisa: “Viva San Clemente!” Sabay-sabay naman sumasagot ang mga nagnobena at nagsimba ng “Viva!” Kasunod na nito ang pagkanta ng lahat ng “Awit kay San Clemente”, na komposisyong isinulat ng National Artist na si Maestro Lucio D. San Pedro.
Narito ang mga lyrics o titik ng awit: “San Clemente Papa’t Martir/ ni Kristong Panginoon/ Aming isinasamo/ Pagpalain bayan namin/ San Clemente, San Clemente/Awit nami’y dinggin//San Clemente, San Clemente bayan nami’y ampunin”.
Matapos ang nobena-misa, kasunod na nito ang pagsasayaw sa harap ng simbahan ng mga may panata at deboto ni San Clemente. Ang kanilang sayaw ay sinasaliwan ng tugtuging martsa ng Angono National Symphonic Band, na pawang komposisyon ng National Artist na si Maestro Lucio San Pedro.
Ang pagsasayaw ng mga deboto ni San Clemente ay bahagi ng kanilang panata at pasasalamat sa mga natanggap na biyaya mula sa Poong Maykapal sa patnubay ni San Clemente, gayundin sa pagkakaligtas sa sakuna at paggaling ng karamdaman o sakit. Ito ay bahagi na ng tradisyon sa Angono tuwing ipagdiriwang ang kapistahan ni San Clemente.
-Clemen Bautista