Nagpatupad ng big-time oil price rollback ang mga kumpanya ng langis sa bansa ngayong Martes.

Sa abiso ng Petro Gazz, epektibo dakong 6:00 ng umaga ngayong Martes ay nagtapyas ito ng P2.50 sa kada litro ng gasolina, at P2.00 naman sa diesel.

Hindi naman nagpahuli ang Shell, PTT Philippines, at Eastern Petroleum na nagbawas ngayong Martes ng P2.30 sa kada litro ng gasolina, at P2 din sa diesel.

Bukod pa rito ang P1.85 na price rollback ng Shell sa kerosene.

Nakonsensyang holdaper, kusang sumuko sa pulisya; ginamit na kutsilyo at baril, laruan lang!

Ang bagong bawas-presyo sa petrolyo ay bunsod ng pagbaba ng presyuhan at maraming supply ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Ito na ang ikalimang bugso ng oil price rollback simula nitong Oktubre 15.

Nitong Nobyembre 6, huling natapyasan ng P1.00 ang gasolina, 90 sentimos sa diesel, at 65 sentimos naman sa kerosene.

Batay sa datos ng Department of Energy (DOE), naglalaro na ang bentahan ng gasolina sa P47.65 hanggang P62.15 kada litro; P48.77- P58.85 sa kerosene, habang P43.55- P52.19 sa diesel

-BELLA GAMOTEA