PAGKALIPAS ng anim na taon ay muli naming nakausap at nakita nang personal ang kilalang choreographer / dancer / producer na si Joy Cancio, nang maimbitahan kami sa dinner kasama ang katotong Maricris Nicasio sa bagong eat-all-you can restaurant ng alaga niyang si Mia Pangyarihan, ang Yoshi-Meat-Su, sa Scout Fernandez corner Tomas Morato Streets, Quezon City.

Joy at trainees

Gustong ipatikim ni Joy ang mga putahe sa restaurant ni Mia dahil word of mouth ito sa sarap at totoo nga dahil ang haba ng pila sa resto.

Usung-uso kasi ngayon ang Korean eat-all-you-can restaurant pero ang pagkakaiba ng Yoshi-Meat-Su, ang putahe rito ay kumbinasyon ng Japanese at Korean menu kaya isa ito sa hinahabol din ng mahihilig sa Japanese food.

Relasyon at Hiwalayan

Pampabuwenas? Atong 'tinuka' si Sunshine sa cockfight

At ang pansin namin, mabilis ang serbisyo rito as in, hindi katulad ng ibang eat all you can resto na mababagal para hindi makarami ng orders ang customers, ha, ha, ha.

Anyway, bukod sa masarap na pagkain ay nag-focus kami ng interbyu kay Joy at inamin niya na kaya siya nawala sa industriya ay na-depress dahil sa sariling kagagawan.

Aminado ang Daisy Siete producer, na noon ay sobra-sobra ang pera niya at sikat siya dahil bukod sa programa niyang umabot ng pitong taon sa ere at mataas pa ang ratings, ay kaliwa’t kanan ang imbitasyon sa kanila para mag-show sa ibang bansa at regular silang napapanood sa Eat Bulaga.

In fairness hindi naging maramot si Joy sa malaking kinikita niya dahil marami siyang pinagbabahaginan nito. Marami siyang natulungang dancers ng Dance Focus Entertainment at ibang taong nangailangan.

Hanggang isang araw ay nabalitaan na lang namin na nalulong sa casino si Joy at dito na nagsimulang mawala unti-unti ang pinaghirapan niya.

“Umpisa kasi, nayaya lang ako, libangan, tapos nanalo ako kaagad, sabi nga beginner’s luck. So, ang saya di ba kasi ang laki ng naipanalo ko. Tapos umulit ako, nanalo ulit hanggang sa unti-unti na akong natatalo at para makabawi, lagi na akong nagpupunta. Doon na nagsimula,” bungad ni Joy habang ipinagluluto niya kami ng beef.

To make the story short, malaki ang nawaldas na perang pinaghirapan ni Joy kaya dumating sa puntong naisanla niya ang building na dugo’t pawis ang puhunan para maipatayo. Naibenta rin daw ang kanyang bahay na isa sa investment niya at kung anu-ano pa.

“Ang galing nga, eh, siguro tinapik talaga ako ni God para magising ako at mabuo ulit ang pamilya ko. Buo naman kami talaga, kaya lang ‘yung husband ko hindi kami okay, ngayon super okay na,” sabi ni Joy.

Nabalitang nagpakamatay siya, “Oo, hindi ko naman ide-deny. Nasa banyo ako at nakita ko ‘yung muriatic acid, e, naalala ko may napanood ako na lumaklak ng muriatic acid hindi maganda, nalapnos, e, sabi ko, ayaw ko papangit ako, ha, ha, ha. Naisip ko pa talaga ‘yun.

“Tapos may iniinom ako pampatulog, e, hayun napasobra ang inom ko, nabuhos ko lahat so akala nga nagpakamatay ako, well, parang ganu’n na nga, ha, ha nasobrahan. At itinakbo ako agad sa hospital.

“Nu’ng gumaling ako, hindi na ako nagpakita muna, gusto ko kasi okay na ako ‘pag humarap ulit ako. Alam mo lumayo ako pati sa bahay namin, umalis ako. Sa mga kaibigan ako tumira for a while, palipat-lipat. Doon ko nakita kung sino ang mga tunay kong kaibigan noong super down ako. Hindi nila ako iniwan,” seryosong kuwento ng kilalang dancer/choreographer.

At sobrang nagpapasalamat siya sa kapatid niya na siyang tumulong sa kanya para hindi mahila ng bangko ang building na isinangla niya.

Unti-unti ring naibalik ni Joy ang tiwala sa sarili, “dahil kay God, walang imposible talaga pag si God ang gumawa ng lahat, kaya sobrang thankful ako sa 2nd life ko. Actually, tapik talaga niya ito para magising ako.

Hindi na napapanood sa telebisyon si Joy pero bukambibig pa rin siya ngayon dahil nagtuturo siya ng zumba at nag-e-enjoy siya dahil marami ulit siyang natutulungan.

“Sa isang exclusive village, hindi sila magkakakilala kasi mga busy o kaya nahihiya siguro sa isa’t isa. Alam mo naman ang mayayaman kanya-kanya silang buhay. Hanggang sa kinuha ako ng isa roon na magturo ng zumba hanggang sa dumami na at buong community na. Nakakatuwa kasi ngayon, ang close-close na nilang lahat. Di ba may purpose pala ‘yung pagtuturo ko?,” masayang kuwento ni Joy.

Kaliwa’t kanan ngayon ang zumba sessions ni Joy kaya ito ang source of income niya na ayon sa kanya, “sapat naman at may pambayad na ako ng bills, ha, ha, ha.”

Likas talagang matulungin si Joy dahil may project pala siya na dalawang taon na niyang ginagawa para tulungan ang mga abandonadong bata.

“I started helping abandon children thru social dev’t center. This is my 2nd year of helping them and Glammies Aero Group is helping me to do this mission possible.”

Sa Nobyembre 17, Sabado, ay may benefit show sila para sa Social Development Center, ang ‘Sayaw Zumbamarathon’ na gaganapin sa Muntinlupa Sports Complex at makakasama niya rito si Aira Bermudez at ang Vicor Dancers. Ang ticket ay nagkakahalaga ng P250 at magsisimula ang show sa ganap na 6:00 ng gabi.

Pinagpapala si Joy para tulungan ang mga batang ito kaya naman madami ring gustong makibahagi sa ginagawa niya tulad nina Zin Don, GBoyz, Zin Kyrznan, TR Onching, Zin MC, PJay, TR Rundell, Inst Rusell, Zin Ryan, Ms Sheryl, at Zin Mj. Para sa mga katanungan, maaari ng tumawag kay Donna G sa numerong 0939-521-7297.

-Reggee Bonoan