“KAPAG umalis kami dito, parang isinuko na namin ang kanyang itinataguyod. Sa aking puso, hindi ko kayang iwan ang kanyang sinimulan,” sabi ni Clarissa Ramos, maybahay ng human rights lawyer na si Benjamin “Ben” Ramos, Jr.
Nawika niya ito dahil pinipilit siya ng kanilang mga kamag-anak na lisanin na ang Kabankalan, alang-alang sa kanilang mga anak, pero tumanggi si Clarissa.
Si Ben ay pinaslang noong Nobyembre 6 sa harap ng convenience store. Siya ay abogado at tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga magsasaka. Pangkaraniwan lang siyang mamamayan. Hindi tulad ng mga ibang abogado, siya ay walang kotse at sariling bahay. Siya at ang kanyang pamilya ay nakatira sa loob ng compound ng Paghida-et sa Kauswagan Development Group, isang non-government organization, na isa siya sa mga nagtatag, para tulungan ang mga magsasaka at mangingisda sa Kabankalan.
Sa kanyang serbisyo, binibigyan siya ng kanyang mga kliyente, na karamihan ay magsasaka at mangingisda, ng mga saging, manok, gulay at parol kapag Pasko. Ayon kay Clarissa, laging ipinaliliwanag ni Ben sa kanilang tatlong anak kung bakit nito tinutulungan nang libre ang mahihirap, at naiintindihan naman nila ang ama.
Nagsimulang makatanggap ng banta sa kanyang buhay si Ben sa gitna ng kanyang pakikipaglaban para ipagtanggol ang mga magsasaka, na nais palayasin sa lupang ipinamahagi sa kanila, ayon kay Clarissa. Sa mga ikinalat na polyeto sa mga kalye ng mga hindi kilalang tao, tinagurian siyang communist symphatizer.
Pero ayon kay Clarissa, hindi natigatig si Ben, bagkus tumulong siyang itatag ang National Union of People’s Lawyer, grupo ng mga abogadong nagtatanggol sa karapatang pantao.
Noong Abril, ang kanyang larawan kasama ang mga lider ng mga grupo ng mga aktibista ay kabilang sa 63 katao na tinawag na communist rebel personalities. Ipinaskil ang kanilang mga larawan sa labas ng munisipyo ng Moises Padilla, may 50 kilometro ang layo sa kanyang tinitirhan sa Kabankalan. Gayunman, hindi natakot si Ben at nagpatuloy siya sa pagdalo sa mga paglilitis, pagsama sa mga rally at pakikipagpulong sa mga magsasaka.
Noong gabi ng Nobyembre 6, dumalaw sa kanyang kapitbahay si Ben sa Sipalay na lumipat sa Kabankalan malapit sa convenience store. Doon ay nabaril si Ben na kanyang ikinamatay.
Pero ang bumulwak na dugo sa kanyang katawang lupa at mga luhang dumaloy sa mga mata ng kanyang mga kapamilya, magsasaka, mangingisda, at mga dukha na kanyang minahal at ipinagtanggol ay magsisilbing pataba sa lupa na kanyang binagsakan. Dito babangon ang marami pang “Ben” para ipagpatuloy ang laban na kanyang sinimulan.
Mapapatay mo ang tao, pero ang katulad ni Ben, mapatay mo man siya, ay hindi mapapatay ang kanyang isipan at simulain. Ang kanyang ipinunla sa lupang binagsakan niya nang siya ay paslangin ay sisibol at yayabong at dadagsa.
Ito ang itinuturo ng kasaysayan na nauulit sapagkat ang mga taong sakim, ganid at walang pagmamahal sa kapwa ay hindi natututo sa pagkakamali ng mga nauna sa kanila.
-Ric Valmonte