SA ikalimang anibersaryo ng super-typhoon ‘Yolanda’ nitong Huwebes, sinabi ni Malacañang Spokesman Salvador Panelo na dapat na makumpleto sa loob ng dalawang taon ang rehabilitasyon ng mga lugar na winasak ng bagyo. “Hopefully within the year, or two years. Depends on the situation,” aniya.
Ang Yolanda, na kilala sa mundo bilang ‘Haiyan’, ang isa sa pinakamalalakas na bagyo sa kasaysayan, at pinakamapaminsala para sa Pilipinas. Nang tumbukin nito ang Visayas noong Nobyembre 8, 2013, ang dala nitong hangin ay tinatayang nasa 280 kilometro kada oras ang lakas. Una itong tumama sa kalupaan ng Guiuan, Samar, at sinalanta ang lima pang isla bago tuluyang lumabas sa South China Sea.
Napakalakas ng hanging dala nito, kaya naman nagpalabas ng storm warning ang Philippine Astronomical, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa 60 sa kabuuang 80 lalawigan sa bansa. Ngunit ang pinakamatinding pinsala ay idinulot ng storm surge o daluyong—mga dambuhalang alon na umaabot sa anim na metro ang taas—na lumamon sa mga lugar na malapit sa dagat, nagwasak sa mga gusali at mga puno, pinagpatung-patong ang mga sasakyan, at nilunod ay tinangay ang libu-libong tao. May kabuuang 6,329 na tao ang kalaunan ay kinumpirmang namatay, habang 1,074 ang nawala. Umabot naman sa P95.5 bilyon ang naitalang halaga ng pinsala.
Sa pagsisimula ng administrasyong Duterte noong Hunyo 2016, sinalubong ito ng mga reklamo hinggil sa mabagal na rehabilitasyon. Marami sa kabahayang itinayo ng mga contractor ng pamahalaan ay hindi nakatupad sa standard at hindi maaaring tirahan. Sinabi ni Presidential Spokesman Panelo na hanggang ngayon, patuloy na pinoproblema ng gobyerno ang paghahanap ng lugar na akma para pagtayuan ng proyektong pabahay.
Nitong Huwebes, nanawagan sina dating senador Jinggoy Estrada at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, na nasa Tacloban, ng imbestigasyon sa bilyun-bilyong pisong pondo ng pamahalaan at kontribusyon mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, na dapat sana ay makatutulong sa mga sinalanta ng Yolanda. Naniniwala si Marcos na may malaking halaga pa ang naitatabi; at dapat na gamitin ito sa pagtulong sa maraming biktima ng Yolanda na patuloy na naghihintay ng ayuda.
Sinabi ni Spokesman Panelo na naglabas na ang administrasyong Duterte ng nasa P146 bilyon hanggang nitong Disyembre 31, 2017, upang tulungan ang mga biktima. Idinagdag din niyang 100,609 sa 205,128 bahay para sa mga sinalanta ng Yolanda ang nakumpleto na nitong Oktubre 31, 2018.
Umaasa tayong matatapos ng pamahalaan ang tungkulin nitong kumpletuhin ang rehabilitasyon sa susunod na dalawang taon, tulad ng sinabi ng tagapagsalita ng Malacañang. Sa panahong iyon, pitong taon na ang nakalipas matapos na manalasa ang Yolanda—napakatagal na panahon, ngunit inaasahan ng mga naapektuhan ng super-typhoon at ng buong bansa ang araw na iyon, kung kailan maaari na nating tuluyang kalimutan ang masalimuot na kuwento ng Yolanda.