SA Mayo 13, 2019, magdaraos ng midterm elections ang Pilipinas. Sa US tapos na ang kanilang midterm elections. Nagwagi ang Democrats sa House of Representatives (HOR) samantalang nanalo ang Republican sa Senado.

Para sa mga political analysts, matinding dagok kay US Pres. Donald Trump ang tagumpay ng Democrats sa HOR sapagkat kaiba sa Pilipinas, mas malakas at makapangyarihan ang Kamara ng United States kaysa Senado kumpara sa HOR ng Pilipinas. Sa pagwawagi ng Democrats sa HOR, posible raw ma-impeach si Trump.

May mga nagtatanong kung anong leksiyon ang matututuhan (hindi matututunan) ng mga Pilipino sa idinaos na midterm eleksiyon sa Amerika. Ayon sa ilang Fil-Am doon, higit na payak o simple ang halalan sa United States. Wala raw nagkalat na campaign materials sa mga lansangan at daan kumpara sa ‘Pinas na halos lahat ng sulok ay puno ng campaign posters.

Isa pa raw pagkakaiba ng US at PH elections, ang mga kandidatong Kano ay walang kasamang sangkaterbang supporter sa pangangampanya, hindi tulad sa ating bansa na jeep-jeep o truck-truck ang kasama ng kandidatong Pinoy na may loud speaker pa.

Isang kolumnistang Pilipino ang sumulat sa English broadsheet ng ganito: “Trump’s drubbing should jolt Duterte.” Bakit naman magugulat ang ating Pangulo sa pagkatalo ng mga kandidato ni Trump sa US House of Representatives (HOR)? Ayon sa kolumnista ang reproof o pag-ayaw ng mga botanteng Kano sa Republicans ni Trump ay paalala raw sa mga strongman, kabilang si President Rodrigo Roa Duterte ng Pilipinas, na ang pamamahala na may intimidasyon at divisiveness at markado ng “hateful rhetoric and racism”, ay walang lugar sa malayang lipunan.

Ang panalo ng Democrats sa HOR ay posible umanong magbukas sa sikretong tax returns ni Trump, tax-cut package, conflict of interests, at hamon sa paghawak niya sa mga isyu ng relasyon sa Russia, Saudi Arabia at North Korea.

Ang tagumpay ng Democrats ay posible ring maging daan sa pag-impeach kay Trump kung may mga ebidensiyang magpapatunay na hinadlangan niya ang hustisya o nakipagsabuwatan sa Russia noong 2016 elections. Gayunman, tulad sa Pilipinas, ang US president ay puwede lang matanggal matapos ma-convict ng two-third votes ng Senado. Eh, ang Senado ay hawak pa rin ng Republicans ni Trump.

oOo

May insentibo at gantimpala ang mga pulis na makapapatay sa kanilang tiwaling mga pinuno na kung tawagin ay “ninja cops”. Sinabi ni PRRD na bibigyan niya ng P3 milyon ang pulis na makapapatay sa kanyang superior na sangkot sa illegal drugs. Pagbabakasyunin pa niya ang pulis sa Hong Kong.

Nasa tamang direksiyon ang ating Pangulo sa isyung ito sapagkat dinoble na niya ang suweldo ng mga pulis (at sundalo), pero hanggang ngayon ay sangkot pa rin sila sa katarantaduhan at anomalya, tulad ng tinatawag na “palit-ulo” at ngayon ay “palit-puri.”

-Bert de Guzman