Target ng Department of Transportation (DOTr) na matapos ang full rehabilitation ng Metro Rail Transit (MRT)-3 sa taong 2021.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan, kumpiyansa sila na sa unang bahagi ng 2021 ay maibabalik na sa dating high-grade infrastructure status ang MRT, upang makapagbigay ng mas mahusay na serbisyo sa mga pasahero.
“Inaasahan nating matatapos by the 26th month ang rehabilitasyon. So mula January 2019, magre-rehab ‘yan buong 2019-2020 at hanggang sa 1st quarter ng 2021, ay doon matatapos ang kabuuang rehabilitation,” sinabi ni Batan sa isang panayam sa radyo.
Kabilang sa plano para sa MRT ang pagdadagdag ng train capacity nito, pagpapabilis sa mga tren ng mula 30 kilometer per hour (kph) hanggang 60kph, pagbabawas sa train intervals sa tatlo at kalahating minuto mula sa pito hanggang 10 minuto.
Maging ang mga bumibiyaheng tren ay dadagdagan din at gagawing hanggang 20 train sets, mula sa dating 15 lang.
Maging ang mga aberya sa mga tren ay inaasahang unti-unti nang mawawala matapos ang rehabilitasyon.
Magsasagawa rin ng maintenance ng electromechanical components, power supply, mga riles, depot equipment, at io-overhaul ang 72 Light Rail Vehicles ng MRT.
-Mary Ann Santiago