ANO kaya ang nakapapasong dahilan at sa wari ko’y tila inaayawan ng ilang magigiting na opisyal ng pamahalaan na manungkulan sa Bureau of Corrections (BuCor) na makailang ulit na ring nababakante dahil sa pagbibitiw ng mga naitalaga rito?
Gaya nitong si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon, na halos mag-iisang buwan na pa lang itinalaga ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, mula sa pagiging Deputy Director ng Office of the Civil Defense (OCD) tungo sa pagiging pinuno ng BuCor – na kababakante lang matapos na sumawsaw sa pulitika ang dating bossing nito na si retired PNP Chief Ronaldo “Bato” dela Rosa.
Maging si Executive Secretary Salvador Medialdea, ay labis na nagtataka kung bakit hindi sumisipot si Faeldon sa bago niyang puwesto bilang bossing ng BuCor. Ani Medialdea: “He has not shown up or said anything. I have no idea why.”
Nauna na kasing nakatawag-pansin kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang parang kawalang interest ni Faeldon sa BuCor -- isa sa mga ahensiyang nasa ilalim ng Department of Justice (DoJ) -- kaya’t binanggit niya ito kay ES Medialdea: “I have mentioned this fact to the Executive Secretary . I told the ES about it during the Cabinet meeting last Tuesday. He said that he would mention it to the president.”
Habang hindi pa nagpapakita sa BuCor si Faeldon, ay pansamantalang itinalaga rito bilang Officer in Charge (OIC) si BuCor Dep Dir Gen Melvin Ramon Buenafe.
Noong mga nakaraang administrasyon, bawat magretirong opisyal na pulis at militar ay pumupostura at naghahanap ng linya upang makuha ang puwestong ito – na kabalintunaan naman sa nangyayari sa ngayon.
Malaki kasi ang naitutulong ng posisyong ito sa intelligence operation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Ito ay sa simpleng dahilan na ang lahat ng krimen na nagaganap sa iba’t ibang panig ng bansa ay nalalaman ng mga nakakulong na “kakosa” ng grupong gumawa ng malaking krimen.
Marami na akong nasundang istorya na ganito at napaka-epektibo kapag magaling ang BuCor chief, kaya sobrang nanghihinayang ako dahil tila hindi na ito nagagawa sa ngayon.
Ang isa sa masasabi kong nakagawa nito at iba pang magagandang accomplishment sa BuCor simula nang maupo rito, ay si Atty. Benjamin “Kidlat” delos Santos – na marami ang nagulat nang biglang mag-resign sa puwesto.
Nag-resign siya sa gitna ng kontrobersiya na umano’y patuloy na kino-control ng mga “high-profile” drug lord na nakakulong sa Muntinlupa Bilibid Prisons ang paglaganap ng droga sa buong bansa – at ito ay dahil sa “pakikialam” ng ibang bossing ng mga tanggapang mas mataas ang level sa BuCor.
Katwiran ng kumpare kong si “Kidlat” – kesa siya ang maputukan ng walang katapusang problema sa droga sa loob ng Bilibid Prisons, magre-resign na lang siya at magko-concentrate sa kanyang mga “Apostolic work” at pagda-dive para ma-explore ang makapigil hininging kagandahan ng ating mga karagatan sa iba’t ibang panig ng bansa. Pero ang alam ko – ‘di nakaya ni “Kidlat” ang kaliwa’t kanang pressure na may kasama pang intriga ang posisyong hawak niya.
Mukhang maraming nakakuha ng “leksiyon” sa ginawang pag-alsa-balutan ni “Kidlat” sa BuCor kaya bawat maalok sa naturang puwesto ay medyo napapakamot ng ulo at todo ang pag-iisip kung sasakmalin ang sinasabing isa sa mga “very lucrative” na posisyon sa gobyerno.
Palagay ko, isa si Faeldon sa mga ito kaya nag-aatubili siyang umupo sa pagiging bossing ng BuCor. Maraming beses na kasing napaso sa isyu ng droga si Faeldon at alam niyang mas mababaon siya sa “putikan” kapag sinunggaban niya ang puwestong ito o ang institusyong ito -- na sa halip ma–reform ang mga taong nagkasala sa lipunan, ay mas natuto pang gawing kanlungan ng mga kademonyohan ang Bilibid Prisons!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.