INAKUSAHAN ni Pangulong Duterte si Australian missionary Sister Patricia Fox ng “disorderly conduct” at pagkakaroon ng “foul mouth.” “Nagpunta ka rito sa amin at insultuhin mo kami, yurakan ang aming soberanya. Hindi ito mangyayari. Sinisiguro ko sa iyo na simulan mong alipustahin ang gobyerno sa alinmang rally, ipaaresto kita.” Ito ang sinabi ng Pangulo noong nakaraang Abril kay Sister Fox na naging target niya para palayasin sa bansa dahil nilabag umano nito ang kanyang missionary visa. Inakusahan siya ng pagdalo sa mga news conferences at fact finding mission hinggil sa mga problemang may kaugnayan sa mga manggagawa. Sumama siya sa mga protestang nananawagan sa pagpapalaya ng mga political prisoner, para sa karapatang pantao, paggalang sa karapatan sa lupa, at sa pagpapaalis ng martial law sa Mindanao.
“Ang pagsama ko sa mga rally para suportahan ang mga magsasaka at mga katutubo ay hindi pampulitika kundi bahagi ng aking tungkulin bilang misyonaryo,” depensa ni Fox. Sapilitan siyang pinalabas ng bansa noong Nobyembre 3, lulan ng Philippine Airlines patungong Melbourne.
Sa isang banda naman, ipinakikita ng mga dokumento na nilagdaan nina Justice Secretary Menardo Guevarra, na noon ay senior deputy executive secretary at Executive Secretary Salvador Medialdia ang dalawang kontrata, anim na buwan bawat isa, mula Enero hanggang Hunyo at mula Hulyo hanggang Disyembre, para sa serbisyo ni Michael Yang bilang economic consultant ni Pangulong Duterte. Noong una, ipinagkaila ng Pangulo na walang kaugnayan si Yang sa Malacañang. “Ang Pangulo ay puwedeng humirang ng banyagang consultant basta eksperto siya sa kanyang sariling larangan. Kailangan ng Pangulo si Yang para magbigay sa kanya ng payo sa anumang oras kung kinakailangan,” paliwanag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Bilyonaryo, aniya, si Yang at alam ang kultura at psychology ng mga Intsik at maraming contact si Yang. Si Yang ay isang Chinese national.
“Kinokompormiso ng Pangulo ang seguridad at kalayaan ng bansa sa pagkakaroon ng dayuhang economic adviser,” sabi naman ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano. Bilang adviser ng Pangulo, magiging daan daw ito para malaman ang mga sekreto at sensitibong impormasyon na makaaapekto sa pangkalahatang seguridad. Ayon kay Alejano, si Yang, na ang pangalang Intsik ay Yang Hong Ming ay may kaugnayan sa gobyerno ng China. Eh ang China, aniya, ay mahigpit na kaagawan ng Pilipinas sa ilang teritoryo sa West Philippine Sea. Isa pa, hinahayaan nating maimpluwensiyahan ng dayuhan ang ating polisiyang pangnasyonal, partikular ang ekonomiya.
Kapag ang dayuhan ay tumutulong sa ating mga dukha at inaapi bilang kanyang apostolic mission, kalaban niya ang gobyerno. Niyuyurakan niya ang soberanya ng bansa. Kapag ang dayuhan ay bilyonaryo, madikit sa gobyerno ng banyagang bansa na pilit nating kinakaibigan, ginagawa siyang economic consultant ng Pangulo. Pero, sino sa dalawang banyaga ang mapanganib sa ating mga Pilipino?
-Ric Valmonte