MARAMING mural paintings ang National Artist na si Carlos Botong Francisco na matatagpuan at makikita sa mga hotel, gusali ng pamahalaan, business establishment at sa mga pribadong tahanan ng mga mayayaman na may pagpapahalaga sa likhang-sining ng National Artist. May mga mural painting din si Botong Francisco sa bukana ng Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila.
Ang mural painting ay tungkol sa “Kasaysayan ng Medisina sa Pilipinas”. May apat na bahagi ang nasabing mural painting.
Bukod sa mga nabanggit, may mga mural painting din siya sa simbahan ng Sto. Domingo sa Quezon City. Ang mural painting ay tungkol sa buhay ni Sto. Domingo (Saint Dominic), ang nagtatag ng Kongregasyon ng mga Paring Dominiko (Dominican priest).
Ang mural painting naman niya sa chapel ng Far Eastern University ay ang “Via Crucis” o “Way of the Cross”. Kapag Lenten Season o Kuwaresma, lalo na kung Semana Santa o Holy Week, ang nasabing mural painting ay nagiging bahagi ng religious activity ng mga Kristiyanong Katoliko. Ang nagpagawa ng mural painting na “Via Crucis” sa naturang chapel ay ang dating Pangulo ng nasabing unibersidad na si Alejandro “Andeng” Roces na naging National Artist.
Bukod sa mga nabanggit, ang “Via Crucis” na mural painting niya iniukit sa kahoy. Ginawa ng mga iskultor sa Paete, Laguna. Ang nanguna at nangasiwa sa pagpapagawa ng “Via Crucis” ay ang Samahan ng Viva San Clemente na ang Pangulo ay si Gng. Rosalina Villamayor-Francisco, butihing maybahay ni Botong Francisco at matatagpuan ito sa loob ng simbahan ng Parokya ni San Clemente sa Angono, Rizal.
Sa Angono, Rizal na Art Capital ng Pilipinas at bayan ng National Artist na si Botong Francisco, mapapansin sa mga bakod ng bahay sa Barangay Poblacion Itaas ang mga relief sculpture ng mga painting niya. Ang bahay at Art Gallery ng National Artist ay nasa Bgy. Poblacion Itaas. Sa bukana ng bakod ng bahay, ay nakaukit ang larawan ni Botong Francisco. Nakaupo sa ibabaw ng “samil” -- takip sa mga lambat ng pukot at nagpipinta. Sa pagtatanong ng inyong lingkod, may nagsabing ang iginuguhit ni Botong Francisco ay ang mga bangkang dalagan at lambatan (dalawang malaking bangka na pinaglalagyan ng mga lambat ng pukot (trawl fishing). Ang mga bangkang lambatan at dalagan ay iginagantong sa tabi ng Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Angono. Sa ngayon, wala nang pukot sa Angono at wala na rin ang mga bangkang lambatan at dalagan.
Palibhasa’y ginagamit ang mga bangkang pukot sa Pagoda o fluvial procession tuwing Nobyembre 23 na Pista ni San Clemente, ang mga taga-Angono sa pangunguna ng Samahan ng Viva San Clemente ay nagpundar ng limang bangkang pukot. Ang nasabing mga bangkang pukot ang ginagawang “Pagoda” na sinasakyan ng imahen nina San Clemente, San Isidro at ng Mahal na Birhen at ng mga deboto ni San Clemente.
Ilan sa mga relief sculpture ng mga painting ni Botong Francisco na nasa mga bakod na pader sa Bgy. Poblacion Itaas ay ang “Muslim Bethtrotal” o Kasal ng mga Muslim”, ang Pagoda o Fluvial Procession kung Pista ni San Clemente, at ang mural ng Kasaysayan ng Pilipinas, na ang orihinal na painting ay nasa Bulwagang Katipunan ng City Hall ng Maynila. Sa pinakadulo ng Bgy. Poblacion Itaas, nakaukit naman sa bakod na pader ang mga titik at nota ng awit at tugtugin na “Sa Ugoy ng Duyan” ng National Artist na si Maestro Lucio D. San Pedro. Sa bukana ng naturang barangay ay makikita ang busto ng dalawang National Artist na sina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro.
Ang mga relief sculpture ng Carlos Botong Francisco ay bahagi na ng tourist destination sa Angono.
-Clemen Bautista