BAGUIO CITY - Pinasinungalingan ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan ang napaulat na isasara na sa publiko ang lungsod ngayong Nobyembre, alinsunod umano sa utos ni Pangulong Duterte.
Viral ang balita sa social media ngunit wala itong katotohanan, ayon kay Domogan.
“Fake news lang ‘yan,” sabi ng alkalde, at nilinaw na wala siyang natatanggap na anumang direktiba mula sa Pangulo.
Aniya, marami ang problema ng lungsod ngunit nadadaan naman ito sa pag-uusap at hindi hahantong sa pagsasara ng siyudad, gaya ng nangyari sa Boracay Island.
Sinabi ni Domogan na iba ang usapin sa Boracay, dahil naging talamak ang mga paglabag sa isla at iisa lang ang access point nito, hindi gaya ng Baguio na bulubundukin at maaaring madaanan patungo sa iba pang lugar sa Cordillera region.
Aminado naman si Aileen Refurzo, city information officer, na apektado na ang turismo sa Baguio dahil sa nasabing fake news na kumalat sa Facebook.
Marami na aniyang kliyente ng mga negosyo ang nagkansela ng reservations sa lungsod sa paniwalang totoo ang nasabing impormasyon.
Nitong Nobyembre 5, nagtungo sa Baguio si Tourism Undersecretary Marco Bautista, at inihayag na magsasagawa sila ng rigid evaluation at assessment ng resort destinations sa Northern Luzon, kabilang na ang Baguio, Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, at ang heritage destinations ng Banaue, Ifugao at Vigan City sa Ilocos Sur.
-Rizaldy Comanda