LIMANG taon na ang nakalipas simula nang wasakin ng super-typhoon ‘Yolanda’ (international name: Haiyan) ang Tacloban City at iba pang mga komunidad sa Leyte at Samar noong Nobyembre 8, 2013, subalit patuloy pa rin itong nagiging sentro ng mga usapan hanggang ngayon.
Isa sa mga dahilan ang hindi sapat na pagsisikap ng gobyerno na matulungang makabangong muli ang mga naapektuhan ng bagyo. Karamihan sa mga bahay na itinayo para sa mga sinalanta ng Yolanda ay hindi kailanman natirahan dahil sa kapalpakan ng pagkakagawa sa mga ito. Marami sa mga nawalan ng tirahan ang piniling magsimula ng panibagong buhay sa ibang lugar.
Tatlong buwan na ang nakalipas, nang magsulputan ang mga bitak sa Otis Bridge sa Paco, Maynila at kinailangan itong isara sa mga motorista para kumpunihin, isang pamilyang naninirahan sa ilalim ng nasabing tulay ang natuklasang nagmula sa Eastern Samar, na napilitang tumira sa ibang lugar makaraang wasakin ang kanilang bahay ng gumuhong lupa at putik sa kasagsagan ng malakas na ulan na dulot ng Yolanda.
Laman na naman ng mga balita ang Yolanda sa paglulunsad ng Commission on Human Rights (CHR) ng imbestigasyon sa petisyong alamin kung ang 47 kumpanya ng coal, petrolyo, at semento sa mundo ay nakapagdudulot ng panganib sa buhay at kabuhayan ng mga tao sa pagpapalala ng mga ito sa tumitinding epekto ng climate change sa pamamagitan ng carbon pollution na resulta ng kani-kanilang produkto at negosyo.
Taong 2015 nang inihain ng 14 na organisasyon ang nasabing petisyon, kabilang ang Greenpeace Southeast Asia, Philippine Rural Reconstruction Movement, mga lider ng simbahan, mga nagsusulong ng karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan, kasama ang ilan pang indibiduwal. Isang pagdinig ang isinagawa ngayong linggo sa London School of Economics kasunod ng mga naunang hearing sa Metro Manila at sa New York City, kung saan may tanggapan ang 47 pandaigdigang kumpanyang paksa ng petisyon.
Pawang tumanggi ang mga nasabing kumpanya na makipagtulungan sa imbestigasyon, na sinasabing bahagi ng pandaigdigang pagkilos upang himukin ang pag-aksiyon ng mga gobyerno at hilingin sa mga kumpanya ng fossil fuel na magkasa ng mga hakbangin laban sa climate change. Walang kapangyarihang pang-hudikatura ang CHR, subalit ang katotohanang tinanggap ng komisyon ang kaso ay “novel and unique” dahil walang iba pang katulad na kaso ang umabot sa puntong ito ng kasalukuyang pagdinig.
“The whole world is watching,” sabi ni Zelda Soriano, abogado ng mga petitioner. “We want them (ang mga kumpanya) to present and convince the petitioners that their investment plans policies, measures, and projects as companies will lead to a just transition to cleaner renewable energy,” dagdag niya.
Samantala, inihayag sa bagong United Nations report na ang ozone layer, na nagbibigay ng proteksiyon sa planeta laban sa ultraviolet rays na nakapagdudulot ng cancer sa balat at nakapipinsala sa mga pananim, ay unti-unti nang naghihilom. Ang ozone layer sa hilagang bahagi ng planeta ay dapat na mapaghilom pagsapit ng 2030, habang sa 2060 naman ang nasa parteng timog, ayon sa ulat. Dekada ’70 nang binigyang-diin ng mga siyentista ang pagkabahala kaugnay ng numinipis na ozone layer, at noong 1987 nagkasundo ang mga bansa na tigilan na ang paggamit ng mga kemikal mula sa mga spray can na natukoy na nakapipinsala sa ozone layer.
Isa itong magandang balita sa pagdaigdigang pagpupursige para sa mas malinis at mas malusog na planeta. Ang inisyatibo ng CHR ay maaaring magresulta sa pandaigdigang pagsisikap upang matuldukan ang carbon pollution na nagdudulot ng climate change, na nagbubunsod ng matitinding heat waves, pambihirang buhos ng ulan, at malalakas na bagyong tulad ng Yolanda, na sumalanta sa Pilipinas limang taon na ang nakalipas.