Nilinaw kahapon ng Commission on Elections (Comelec) na hindi rason ang conviction ni Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos upang madiskuwalipika ito sa halalan sa Mayo 13, 2019.

Ito ang naging tugon ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa tanong ng singer na si Leah Navarro, ng Black and White Movement, kung ano na ang mangyayari ngayon sa gubernatorial candidacy ng dating First Lady matapos itong mahatulan ng Sandiganbayan ng guilty sa pitong bilang ng graft.

Ayon kay Jimenez, hindi pa naman pinal ang nasabing hatol kay Marcos, kaya hindi pa maaaring gamitin ang nasabing sentensiya upang idiskuwalipika ang kandidatura ng kongresista.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“This isn’t a final conviction yet, so it isn’t disqualifying,” tweet ni Jimenez kay Navarro.

Matatandaang hinatulan kahapon ng Sandiganbayan 5th Division si Marcos ng anim hanggang 11 taong pagkakakulong sa bawat isa sa pitong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na kinahaharap nito kaugnay ng mga kasong kinasangkutan noong ito pa ang gobernador ng Metro Manila.

Kasabay nito, diniskuwalipika na rin si Marcos sa paghawak ng anumang puwesto sa gobyerno.

Ipinag-utos din ng Sandiganbayan ang pag-aresto sa mambabatas, matapos na kanselahin ang piyansa nito, pero nilinaw ni Assistant Special Prosecutor Rey Quilala na maaari pang mabawi ang arrest order dahil puwede pa nitong iapela ang nasabing hatol.

-Mary Ann Santiago