“SA loob ng 30 taon, pinangalagaan ko ang aking pangalan at reputasyon dahil naniniwala ako na ito ang pinakamahalagang bagay na maiiwan ko sa aking mga anak. Maglingkod tayo nang tapat at marangal. Panatilihin natin ang dignidad at kahalagahan ng serbisyo publiko. Gagamitin ko ang aking kapangyarihan bilang commissioner para masiguro kong magagampanan ko ang aking pakay,” sabi ni Gen. Rey Leonardo Guerrero, ang kahihirang na commissioner ng Bureau of Customs (BoC).
Hindi umano siya mag-aatubili na papanagutin ang mga taong gagamit sa kanyang pangalan sa mga ilegal na transaksiyon. Si Guerrero ang ikatlong hepe ng BoC sa loob ng tatlong taong pamumuno ng administrasyong Duterte. Ang mga nauna sa kanya na kapwa niya mga sundalo ay inalis at inilipat sa ibang puwesto sa gobyerno pagkatapos na maiskandalo ang BoC dahil sa paglusot ng bilyun-bilyung halaga ng shabu. Sa panahon ni dating BoC Commissioner Nicanor Faeldon, naipuslit sa pantalan ang 6.4 bilyong halaga ng shabu. Samantala sa ialalim ng pamamahala ng humalili sa kanya na si Isidro Lapeña, P11 bilyong halaga ng shabu, na nakasilid sa improvised magnetic lifter, ang nakalusot sa Manila International Container Corporation.
Naunang hinirang ni Pangulong Duterte si Faeldon sa Office of Civil Defense pagkatapos niya itong alisin sa BoC. Ngayon, director na siya ng Bureau of Corrections (BuCor), bilang kapalit ni Gen. Ronald dela Rosa pagkatapos nitong maghain ng certificate of candidacy (COC) para sa pagkasenador. Si Lapeña naman ay ginawang miyembro ng kanyang Gabinete dahil sa kanyang posisyon sa TESDA Director. Kaya, kung ang inaalala ni Gen. Guerrero ay ang kanyang magandang pangalan at reputasyon, huwag siyang mabahala dahil alisin man siya sa BoC, kahit sa anong dahilan lalo na sa shabu smuggling, may maganda siyang kalalagyan sa gobyerno. Higit na mataas at marangal kaysa BoC commissioner tulad nina Lapeña at Faeldon. Ang mahalaga, mayroon lang pagbubuntunan ng sisi sa paglabas ng shabu sa pantalan at lalabas na ikaw ay nabukulan.
Sa totoo lang, kung si Guerrero ang masusunod, kaya niyang pangalagaan at proteksiyunan ang kanyang sarili at pangalan. Kung matibay siya sa kanyang paninindigan laban sa kurapsiyon, kung hindi niya lubusang mapapatino ang BoC, kahit paano ay mababawasan niya ang mga anomalya rito. Nasa wasto siyang direksiyong magpasunod kung tutupdin niya ang kanyang ipinangakong siya mismo ang magbibigay ng magandang halimbawa. Kapag ikaw mismo ang gumawa ng nais mong ipagawa sa iyong tagasunod, wala kang problema sa pagtungo mo sa direksiyong pagdadalhan mo sa iyong pinamumunuan. Kaya lang, isyu sa BoC na walang kontrol ang namumuno rito. Tingnan ninyo, nangako na naman si Guerrero na sa kanyang panunungkulan ay aalisin niya ang tara system. Ang ibig sabihin nito, ang tara system, na lumaganap sa panahon ni Faeldon, ay nanatili sa ilalim ng pamamahala ni Lapeña. Eh si Lapena ay nangako na pagkaupo niya ay wawakasan niya ang sistemang ito.
Ang napakabigat na problema na hindi kayang labanan o tanggihan ay ang pagpapalusot ng ilegal na droga. Mahirap ipaintindi sa mamamayan na pumasok ang mga bilyun-bilyong halaga ng shabu nang hindi alam nina Faeldon at Lapeña. Ang mababang mga empleyado lamang ang pinalabas na may kagagawan ng mga ito, na pinalabas ng mga imbestigasyon na ang ilan sa nagsagawa nito ay ang Kamara at Senado. Kung magpapakatotoo si Guerrero sa kanyang layuning pangalagaan ang kanyang magandang pangalan at karangalan, na nagawa niya noong siya ay sundalo, kapag umabot sa kanyang kaalaman ang pagpasok ng shabu at wala siyang magawa, kung ayaw niyang ibunyag ito, magbibitiw siya. Alam na ng taumbayan ang dahilan
-Ric Valmonte