INIHATID na sa kanyang himlayan ang OPM legend at Total Entertainer na si Rico J. Puno, o Enrico De Jesus Puno, sa Heritage Park sa Taguig City, kahapon ng umaga.
Nauna rito, pasado 6:00 ng umaga ay dinala ang labi ni Rico J. sa lumang gusali ng Makati City Hall upang masulyapan siya ng mga taga-Makati at ng fans sa huling pagkakataon, kasabay ng pagbibigay-pugay sa kanya ng mga empleyado ng city hall.
Ilang taong nagsilbing konsehal sa lungsod si Rico J.
Bandang 5: 28 ng umaga nang inilabas ang labi ni Rico J. mula sa Sanctuario de San Antonio sa Forbes Park, at nagsagawa pa ng motorcade sa JP Rizal Street patungo sa lumang city hall.
Oktubre 30 nang pumanaw si Rico J. dahil sa cardiac arrest.
Sumikat si Rico J. noong dekada ‘70 sa mga awitin niyang Kapalaran, Macho Guwapito, Bawal na Pag-ibig, Lupa, at iba pa, na pawang tumatak sa puso ng mga Pilipino
-BELLA GAMOTEA