KAHIT saang anggulo sipatin, matapos ko pakinggan ang kuwento ng isang pulitikong kandidato sa pagka-alkalde sa isang bayan sa Northern Luzon, ramdam ko agad ang init na maaaring maging sanhi nang pagsiklab ng apoy sa pagitan ng mga magkakalaban sa pulitika sa naturang lalawigan, na noon pa man ay kilala na sa pagiging “political hotbed” tuwing dumarating ang halalan.
Ang tinutukoy kong lalawigan sa dulong bahagi ng Luzon ay ang Ilocos Sur, na dekada 60 pa lamang ay bukambibig na sa mga “political violence” ng mga nagbabanggaang “powerful political clan” gaya ng Singson at Crisologo.
Sa napipintong halalan ngayong Mayo 2019, tila ang apoy na sisiklab (o sumiklab na ba?) ay sa pagitan naman ng pamilya Zaragoza at Singson – sa pangunguna ng matitikas na pulitikong sina Narvacan Mayor Ed Zaragoza at dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson.
Ang namumuong init sa pagitan ng dalawang political clan na ito ay sumingaw nang magsalita si Mayor Zaragoza sa Real News weekly news forum sa Rolando’s Farm to Table Restaurant sa Road 1, Project 6 sa Quezon City, nitong Martes ng umaga.
Nagpatutsada agad si Mayor Ed na ang mahigpit na makakalaban niya sa puwesto sa kanilang bayan ay isang “foreigner” sa bayan ng Narvacan: “’Yung makakalaban ko ni minsan ay ‘di pa nakitang natulog sa napakaliit na solar na sinasabi niyang pag-aari nila!”
Kahit na tila ayaw banggitin ni Mayor Ed ang pangalan ng kanyang makakalaban sa umpisa ng news forum, sa bandang gitna ng talakayan ay dumulas na ang kanyang dila at magkakasunod na nabanggit na si Gov. Chavit ang tinutukoy niyang kalaban, na ang tunay na baluwarte ay ang Vigan na halos 40 kilometro ang layo sa Narvacan.
Sa kuwento ni Mayor Ed, dating mahigpit na magkaalyado ang mga Zaragoza at Singson. Nagkaroon lamang ito ng matinding lamat nang tanggihan umano ng administrasyon niya sa Narvacan ang isang proyektong “black sand mining,” na gustong pasukin ng mga kasosyong negosyante ni Gov Chavit.
“Kunyari dredging ang proyekto pero ang totoo ay black sand mining ito na siguradong sisira sa kalikasan ng aming napakagandang bayan,” ang sabi ni Mayor Ed. At ang matindi rito, dagdag pa niya: “Pagkatapos kong maging ninong sa kasal ng isang Singsson ay sinampahan ako ng iba’t ibang kaso pati na ang pagpapa lifestyle check sa pamilya ko!”
Nang tanungin si Mayor Ed ng mga taga-media kung ‘di siya natatakot sa pagbangga sa mga Singson, lalo na kay Gov. Chavit na pamoso sa pagiging “brusko” sa kanyang mga nakakalaban sa pulitika -- ang matapang na sagot niya ay: “Kung ‘di ako kikilos sino pa ang kikilos? Kung ‘di ako lalaban, sino pa ang lalaban?”
Nananawagan si Mayor Ed sa Commission on Elections (Comelec) at sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na bantayan ang kanilang bayan at mas makabubuti pa nga raw na isailalim na lamang ang Narvacan sa Comelec control, upang makasigurong magiging mapayapa ang darating na halalan.
Kung totoo ang mga alegasyong ito ni Mayor Ed, nakalulungkot isipin na ang paghalal sa liderato ng isang bayan – na inaasahang siyang tagapagtanggol ng mga mamamayan – ay siya pang nagagamit na protektor ng mga kaaway ng mamamayan na sumisira sa kalikasan sa kanilang lugar.
Maging matalino sana ang bawat isa sa pagpili ng ihahalal na pinunong inaasahang maglilingkod nang tapat sa sambayanan sa darating na 2019 election!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E