Inihayag kahapon ng Malacañang na posibleng may nilabag na batas ang “Anti-Profanity Ordinance” ng Baguio City, dahil ang pagmumura ay bahagi ng karapatan ng bawat tao sa “freedom of speech”.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kaugnay ng ordinansang ipinasa sa Baguio nitong Setyembre na nagbabawal sa pagmumura sa mga pampublikong lugar, partikular sa mga lugar na mayroong mga bata.
Sa kanyang press briefing kahapon, sinabi ni Panelo na ito ang unang beses na narinig niya ang tungkol sa nasabing ordinansa sa Baguio.
“This is the first time I’ve heard of that. I have to see that. Is that an ordinance? Ordinance in Baguio? Exactly what profane words are they prohibiting?” tanong ni Panelo sa media. “I will not oppose that kind of prohibition in schools.”
Gayunman, sinabi ni Panelo na posibleng hindi pumasa ang nasabing ordinansa sa test of constitutionality sakaling kuwestiyunin ito sa korte, dahil ang pagmumura ay likas na sa tao.
“It may not pass the constitutional test when it is raised before the courts,” sabi ni Panelo.
Tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, na kilala sa pagmumura sa gitna ng kanyang mga talumpati, sinabi ni Panelo na wala siyang kilalang tao na hindi nagmumura, lalo na kapag nagagalit.
“Profane words are uttered in a moment of anger. So, all of us does it. I have not heard of anyone not cursing when one is angry,” sabi ni Panelo. “Cursing is part of freedom of speech for as long as you don’t injure the person that is the subject of your curse.”
-Argyll Cyrus B. Geducos