KATULAD ng inaasahan, umani ng halu-halong reaksiyon mula sa iba’t ibang sektor ang muling pagbubukas ng Boracay, kamakailan. Bukod sa mga pagdududa sa pananatili ng mga hakbang upang protektahan ang integridad ng kapaligiran ng naturang isla, para hindi masayang ang ginawang rehabilitatsyon, may nagtatanong din kung sapat at mabisa nga ba ang mga panuntunang inilatag upang matiyak na mapapanatiling isang magandang pamanang lahi ang Boracay.
Kilala sa buong daigdig dahil sa mala-pulbos na buhanginan at likas na ganda nito, nanganganib pa rin ang hinaharap ng Boracay sa walang katiyakan. Sa nakaraan, ang pagkariwara nito ay bunga ng simple at walang kautak-utak na kapabayaan ng mga opisyal.
Nangako ang gobyerno na titiyaking mapanatili ang likas na ganda ng kapaligiran nito, ngunit waring may mga pagsisikap na gawin itong isang eksklusibong lugar para lamang sa mayayaman, na kailangan nating tutulan.
Higit pa sa turismo at kita, kailangang pahalagahan ang Boracay bilang isang pamanang lahi, isang tanghalang pangkultura, tahanan ng mga Aeta, isang simbolo ng tunay na kaaya-ayang kalikasan, at pugad ng ilang kakaiba at magagandang hayop at halaman.
Hindi lamang tungkol sa karagatan at magigiliw na mamamayan ang Boracay; kailangang maging isang lugar din ito para sa mga nagnanais ng katahimikan at kalayaan mula sa ingay at kaguluhan sa lungsod. Ang maiingay na kasiyahan na nakagagambala sa mga natutulog ay kailangang mabukod upang manatili ang isla bilang isang mapayapang pahingahan at himlayan.
Lalong hindi tungkol sa pagtatalik, inuman at lasingan ang Boracay. Kailangan din itong mapanatiling isang lugar na tumatangkilik at may respeto sa mga katutubo doon. Sa totoo lang, maaaring gawing sentro ng palakasan, pagkain, industriya, sining, at mga pagtatanghal ang isla na lilikha ng magagandang alaala sa isipan ng mga turista sa matagal na panahon. Maaaring labis naman ang pangarap na ito ngunit ang dapat ay mapanatili ang tunay na halina ng isla.
Tungo sa kaganapan ng pananaw na ito, kailangang maging matatag at determinado ang gobyerno upang matiyak ang pananatili ng Boracay bilang isang lunduan ng mga turista at isang pamanang lahing pangkultura.
-oOo-
Pumanaw kamakailan dahil sa prostate cancer si Atty. Lovel T. Mationg, 68, isang kandidato para kongresista ng bagong-likhang ikalawang distrito ng Aklan. Si Atty. Mationg, na isang nangungunang tagasulong ng mga reporma sa lipunan, pulitika at mabuting pamamahala, ay mariing tinutulan ang gawing isang eksklusibong paraiso ang Boracay para lamang sa mayayaman at makapangyarihan.
Taos-puso kaming nakikiramay sa pamilya Mationg. Paalam, mabuting kaibigang Lovel.
-Johnny Dayang