BAGONG kaalaman na magpapatibay sa personalidad at bagong istilo na magpapalakas sa angking talento ang asam na makamit ng limang Pinoy table tennis atlete na nasa pangangasiwa ng Table Tennis Association for National Development (TATAND) sa tatlong linggong pagsasanay sa Beijing, China.
Naiwan ang lima – UAAP star John Russel Misal, Neo Laudato, Kaela Aguilar at teen protégée Kheith Rhynne Cruz at Micah Aguilar – matapos ang dalawang araw na ‘exhibition match’ ng TATAND-Philippine Team laban sa mga collegiate champions mula sa Bejing (Peking) University, Community University for Physical Education and Sports (CUPES) at Mejia University ng Japan.
“They will stay for over three weeks para mas magsanay pa. Malaki ang potensyal ng lima at mismong ang mga coach at trainer ng CUPES ang magsasanay sa kanila,” pahayag ni Philip Uy, honorary president ng TATAND.
Naisayos ang pagsasanay ng mga atleta batay sa ‘Youth Sports Exchange’ program na isinulong ni table tennis ‘Godfather’ Mr. Stephen Techico honorary president ng Federation of Filipino Chinese Association of the Philippines.
Sinabi ni Charlie Lim, honoray president din ng TATAND, na ang pagsasanay ng mga atleta ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa nakatakdang national tryouts para sa Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa National Team.
“Right now, si Misal (John Russel) ang nasa RP Team na, but other players can still make it depende sa kanilang mga ranking. So far, malaki ang improvement ng ating mga players,” pahayag ni Lim.
Sa ikapitong sunod na taon, nagtungo ang TATAND team sa Beijing kamakailan para sa ‘Sports Exchange’ sa pamosong unibersidad sa China.
‘Next year, mas malaking delegasyon ang dadalhin namin,” ayon kay Lim.
-Edwin Rollon