Pabor ang lima sa bawat 10 Pinoy sa mungkahi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa mandatory drug testing ang mga Grade 4 pupil pataas.
Ito ang lumabas sa 2018 third quarter survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa nitong Setyembre 15-23, kung saan 51 porsiyento ng 1,500 respondents ang hindi kumontra sa panukala.
Sa nasabing porsiyento, 31 ang nagpahayag ng “strongly agree”, habang 20% naman ang hindi lubos na pumapayag, 36% ang hindi pumapayag, 24% ang hindi lubos na hindi pumapayag, at 13% ang hindi pa nakakapagdesisyon sa panukala.
Ito ay katumbas ng net agreement na +15, na inuri ng SWS bilang “moderately strong.”
Sa nasabi ring survey, natuklasan ng SWS na aabot sa 76% ang kuntento at 12% ang hindi kuntento sa kampanya ni Pangulong Duterte kontra ilegal na droga dahil sa nakuha nitong net satisfaction rating na +64, na classified ng SWS bilang “very good”.
-Ellalyn De Vera-Ruiz