Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP) at Task Force Zamboanga ang tinatayang aabot sa P3.6 milyon halaga ng smuggled rice sa RT Lim Boulevard sa Zamboanga City.
Nadiskubreng aabot sa 1,200 sako ng smuggled rice ang nakakarga sa dalawang closed wing van trucks mula sa Sabah, Malaysia.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang PCG mula sa 11th Infantry Battalion, Task Force Zamboanga kaugnay ng nasabing kargamento.
Kaagad namang nagsagawa ng maritime patrol ang grupo sa Taha Wharf, Baliwasan Seaside sa Zamboanga, ngunit nagnegatibo ang operasyon.
Gayunman, namataan ang nasabing truck (KVY-2980) na minamaneho ni Roberto Doldoa, at ang isa pang truck na minamaneho ni Raymond Requinto, sa bahagi ng RT Lim Boulevard, malapit sa Zamboanga City State Polytechnic College.
Kaagad inaresto ang mga driver habang ang mga truck na naglalaman ng saku-sakong bigas ay itinurn-over na sa Bureau of Customs (BoC)-Zamboanga para sa kaukulang disposisyon.
-Beth Camia