TATANGGAP ng P25 umento ang mga manggagawa sa Metro Manila samantalang milyun-milyong piso ang tinatanggap ng mga tiwaling kawani at pinuno ng Bureau of Customs (BoC) sa kanilang tiwali at bulok na gawain. Ito raw ang new normal ngayon.
Kayod-kalabaw sa trabaho ang ordinaryong mga mamamayan para sa pamilya subalit pakuya-kuyakoy lang daw ang mga empleyado at opisyal sa BoC at iba pang ahensiya ng gobyerno, na bukod sa malaki ang suweldo, limpak-limpak na salapi pa ang nakukubra (hindi sa jueteng) sa mga tiwaling gawain sa kanilang mga departamento.
Sa P25 umento na ibinigay ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III, na ang minimum wage ng mga manggagawa ay magiging P537 na mula sa umiiral na P512 bawat araw. Makasasalba kaya ang umentong ito sa pagtaas ng mga bilihin, inflation at TRAIN law?
Nais ng labor groups na gawing P334 kada araw ang minimum wage upang makasapat sa pangangailangan ng mga pamilya. Gayunman, ang ibinigay lang ng RTWPB ay P25 na hindi pa sapat para makabili ng isang kilong NFA rice na P27.
oOo
Nais ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bigyan ng angkop na parangal ang itinuturing na unang bayani ng bansa. Siya ay si Lapu-Lapu, isang local chieftain sa Cebu, na hindi nasindak ni Ferdinand Magellan at ng dayuhang mananakop.
Ganito rin ang simpatiya ng mga kasapi ng Mababang Kapulungan. Pinagtibay ng House committee on transportation ang panukalang batas na ipangalan kay Lapu-Lapu ang Mactan-Cebu International Airport (NCIA). Gagawin ang pangalan ng paliparan bilang Lapu-Lapu-Cebu International Airport (LCIA).
Sa aking palagay, walang kokontra sa hangaring ito ng ating Pangulo at mga kongresista na bigyang-pugay si Lapu-Lapu. Sa ngayon, higit na kilala si Lapu-Lapu bilang isang uri ng isda na inihahain sa hapag-kainan.
oOo
Naniniwala si Bishop Teodoro Bacani na tama rin ang Presidente na maging Santo Rodrigo balang araw kung siya’y magsisisi sa kanyang mga kasalanan, susundin ang mga aral ni Kristo, pahahalagahan ang buhay ng tao, at mamahalin ang kapwa nilalang.
Sa kasaysayan ng Simbahang Katoliko, talagang maraming santo at santa na lubhang makulay ang nakalipas na buhay, tulad nina San Pablo (St. Paul), San Agustin, at Santa Magdalena. May mga santo na lasenggo, babaero, magnanakaw, at mamatay-tao. Gayunman, sila’y nagsipagsisi nang buong katapatan, naniwala kay Kristo at sa Diyos, namuhay nang buong linis at naglingkod sa Lumikha at kapwa-tao.
oOo
Inulit ni presidential spokesman Salvador Panelo na nagbibiro lang si PRRD nang batikusin niya ang mga Katoliko sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day at sa pagtuturing sa mga santo bilang mga gago at lasenggo. Sana ay totoo ang pahayag mo Mr. Panelo, pero handi kanais-nais na biro ang insultuhin ang mga santo at santa!
-Bert de Guzman