MEDYO inuubo si Maine Mendoza nang humarap siya kasama ang iba pang cast ng Daddy’s Gurl sa ilang media na bumisita sa set nila. Habang hinihintay namin sila ay napapanood namin si Direk Chris Martinez na idinidirek ang ilang eksena nina Maine as Stacy, Oyo Sotto as Lance, Chichirita as Beauty, at Kevin Santos as Daboy, na napapa-take two dahil ‘di sila makapagpigil na matawa.

Maine copy

So, at home na si Maine sa sitcom?

“Opo, mas gusto ko ito kaysa teleserye,” sagot ni Maine. “Naranasan ko na rin pong gumawa ng teleserye, iyong ‘Destined To Be Yours’ at talaga pong nahihirapan ako sa mga iyakan. Dito po sa sitcom, less ang pressure, masaya lagi sa set. Lalo na po at mga mahuhusay na artista at komedyante ang mga kasama ko.

Relasyon at Hiwalayan

Pampabuwenas? Atong 'tinuka' si Sunshine sa cockfight

“Nagpapasalamat po ako kay Bossing Vic (Sotto), dahil siya po ang nakaisip na bigyan naman ako ng sitcom. Nakikita po niya siguro na ini-enjoy kong kasama ang JoWaPao (Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros) sa mga jokes na ginagawa namin sa Juan for All All For Juan segment namin sa ‘Eat Bulaga’”.

Sa Daddy’s Gurl ay Batangueno siya pati ang Itang Barak (Vic) at Inang Marikit (Wally) niya. Hindi ba siya nahirapang pag-aralan ang intonation ng mga Batangueno?

“Nagpaturo po ako kung paano ang accent at si Kuya Jelson Bay as Gerry ay Batangueño po talaga kaya kino-korek niya ako sa pronunciation. Nakakatuwa po dahil kung minsan, nagagamit ko sa labas ang puntong Batangueño. “

Hindi naman siya nahirapang gumanap na millennial pero ang tatay naman niya ay very conservative? Nai-compare ba niya ang sitwasyon sa tunay niyang tatay?

“Noong una po medyo na-challenge din ako kung paano ko itrato ang Itang ko rito. Si Tatay ko po kasi at mga roles ni Bossing as my tatay, pareho lamang naman. Pero siguro dahil very comfortable na ako kay Bossing, sa Eat Bulaga at pang-ilang movies na ang nagawa namin na mag-tatay kami, hindi rin po mahirap. Bale, ito pong movie namin for the Metro Manila Film Festival, ang Jack Em Popoy: The Pulisincredibles, pang-apat na movie na namin as tatay and daughter.”

Paano kung sa susunod namang project ay teleserye na ang ibigay sa kanya?

“Okey din po, mapag-aaralan ko po naman iyon.”

Puring-puri naman si Maine ng mga kasama niya sa cast, bukod sa masayahin daw si Maine, kitang-kita na she’s a natural sa comedy. Mabait si Maine at kung minsan daw ay nahihiya silang batiin ang phenomenal actress, pero ito pa raw ang nauunang bumati sa kanila.

Nagpasalamat din si Maine at iba pang cast sa televiewers dahil sa apat episodes nila mula October 13, ay lagi silang panalo sa rating game at laging nagti-trending sa Twitter, nationwide at worldwide.

Napapanood ang Daddy’s Gurl tuwing Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto.

-Nora V. Calderon