MATAGAL na tayong may mga airport para sa mga eroplanong dumarating mula sa iba’t ibang panig ng mundo, at mga seaport para naman sa mga barkong nagdadala ng mga kargamento at mga pasahero mula sa iba’t ibang dako ng ating islang bansa, ngunit hindi pa kailanman tayo nagkaroon ng landport hanggang nitong Lunes, nang pangunahan ni Pangulong Duterte ang pagpapasinaya sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Coastal Road sa Parañaque City.
Ang mayroon tayo sa Metro Manila at sa iba pang mga lungsod sa Pilipinas ay mga indibiduwal na istasyon ng bus ng iba’t ibang kumpanya. Marami sa mga ito ang nakaistasyon sa Epifanio delos Santos Avenue—sa bahagi ng Cubao para sa mga bus na nagmumula sa Hilaga at Gitnang Luzon, at malapit sa Roxas Boulevard para sa mga nanggagaling sa Katimugang Luzon at Bicol.
Tinukoy ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga indibiduwal na istasyon ng bus bilang isa sa mga pangunahing nagdudulot ng matinding trapiko sa Metro Manila, at nagpatupad na ng mga patakaran para resolbahin ang problema, tulad ng pagbabawal sa mga bus na patalikod na pumasok sa terminal o lumabas sa kalsada—dapat ay nose-in nose-out. Nakatulong itong mapaluwag ang trapiko sa mga lansangang papunta sa mga terminal, ngunit hindi pa rin ito sapat. Nariyan din ang mga problemang idinudulot ng mahahabang pila ng mga bus, na karamihan ay wala namang pasahero, na malamang ay naghihintay lang na makabalik sa terminal.
Sa isang iglap, ang mga problemang idinudulot ng maraming istasyon ng bus sa mga pampublikong sasakyan mula sa timog-kanlurang bahagi ng Metro Manila ay masosolusyunan na ng isang landport sa Coastal Road sa Parañaque. Nasa 200,000 pasahero ang dinadala ng mga bus, jeepney, at UV Express na sasakyan mula sa Cavite at Batangas patungo sa Metro Manila kada araw.
Kakailanganin na ngayon ng mga pasaherong na sumalin sa mga city bus, jeepney, at UV Express upang marating ang kanilang destinasyon sa Metro Manila. Kailangan nilang makaagapay sa bagong sistema, ngunit ang agarang epekto ng bagong landport ay ang maalis ang daan-daang bus na biyaheng probinsiya sa mga kalsada ng Metro Manila.
Siyempre pa, ang Parañaque landport ay unang hakbang pa lang, kailangan pa ring makapagpatayo ng mga katulad na landport para sa mga sasakyang galing sa probinsiya na nagmumula sa hilaga, mula sa silangan at timog-silangan. At dapat ay makakakonekta ang mga ito sa isa’t isa sa pamamagitan ng elevated highways, tren, o subways.
Ang konsepto ng landport, na nagbabawal sa mga bus na biyaheng lalawigan, ay maaaring makalutas sa ‘tila imposible nang masolusyunan na problema ng trapiko sa Metro Manila.