NOONG nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), kasama ako sa grupo ng mga abogado na nag-ikot sa mga sitio upang magbatingaw at magturo sa ating mga kababayan hinggil sa tamang proseso sa pagboto, pagbasa ng mga balota, karapatan ng mga “watchers” sa presinto, at ang mga gawain na ipinagbabawal sa batas.
Payo namin sa mga residente, gumising ng maaga, maligo, maggayak ng kagalang-galang at iba pa. Dapat ding may dala silang ilang panulat, notebook, cell phone na may camera at flashlight. Kung may duda sila sa pagkatao ng isang botante, maaari nila itong “ma-challenge” sa Chairman ng mismong polling precinct.
Samu’t-suring pangangampanya ang natalakay din namin sa mga ito. Halimbawa ay ang tinaguriang ‘Negative Campaigning’. Ito iyong diskarte ng pulitiko na bayaran ang isang bahay o pamilya na huwag na lamang bumoto sa araw ng halalan dahil tukoy na silang kalaban. Hindi rin naiwasan na talakayin ang tungkol sa dapat ay angkop na katangian ng mga nag-iibig pumasok sa mundo ng serbisyo-publiko.
Dati rati, sa panahon nina Manuel Quezon hanggang kay Ferdinand Marcos, tinitingala ng taumbayan ang suhay sa panunungkulan, ang antas ng talino at kung anong natapos na edukasyon, na kanilang batayan para sa pagboto. Laging bukambibig ng mga matatanda ay, “Sino ba siya?”, “Galing sang angkan?” , “Ano ba natapos niyan?” , “Matalino ba siya?” at marami pang iba. Ang pangalawang grupo ng mga katanungan na kadalasang kabuntot ng mga nauna ay, “May alam ba iyan sa gobyerno, o sa pununungkulan?” , “Nakapagpatakbo na ba ng negosyo ang kandidato?”. Ang pangatlong mga pagtatanong, sakaling hindi matalino ang kandidato base sa kanyang pag-aaral ay ganito, “May karanasan na ba ‘yan sa buhay?” , “May alam sa buhay?”. Sa kasalukuyang henerasyon, ang tawag dito ay “madiskarte”.
Noong dumating ang sagupaan nina Marcos at Cory, nabaligtad ang pananaw ng taumbayan. Mula sa talino, nabaling ang usapin sa pagiging “sincere” sa pamahalaan, may puso, kuno. Noong panahon naman ni PNoy, ang palatuntunan na ay, “Hindi siya magnanakaw”. Sa kasalukuyan naman, ang bukambibig ng sambayanan ay, “Giyera kontra droga at krimen”.
-Erik Espina