HANGGANG sa mga sandaling ito, nananakit pa rin ang aking katawan dahil sa mahabang biyahe sakay ng motorsiklo sa rehiyon ng Visayas.
Pinalad tayong mapabilang sa mga media rider na sumabak sa Yamaha Tour de Rev-Visayas leg, kung saan umabot sa 1,300 kilometro ang aming tinahak sa loob ng tatlong araw. Maraming nagtatanong kung kami ay nababaliw na upang pahirapan namin ang aming sarili sa mahabang biyahe na sakay sa behikulong may dalawang gulong lamang.
Upang masakyan mo ang ganitong trip, dapat ay nagmomotorsiklo ka rin.
Huwag n’yo nang ikagulat kung bakit maraming naaadik sa pagmomotor dahil ito ay magandang stress reliever.
Saludo kami sa Yamaha Motor Philippines sa pagsasagawa nito ng Tour de Rev series sa Luzon, Mindanao at kamakailan sa Visayas.
Isa na namang malaking achievement ito para sa dambuhalang Japanese motorcycle company dahil bukod sa pagtataguyod ng riding safety, ibinabandera rin nito ang moto tourism upang makinabang din ang mga lokal na ekonomiya sa mga ruta na aming dinaraanan.
Isipin nyo na lang ang naiaambag ng ganitong programa sa kalakalan sa isang munisipalidad o siyudad na malayo sa Metro Manila.
Sa isang biyahe, mahigit 60 rider ang umiikot sa mga makasaysayan at magagandang lugar ng bansa.
Sa isinagawang Tour de Rev-Visayas leg, laking tuwa ng mga rider nang mabigyan sila ng pagkakataon na makatawid sa San Juanico Bridge, ang pinakamahabang tulay sa bansa na hihigit sa dalawang kilometro.
Natanaw din namin ang Leyte Landing Park upang makapag-selfie.
Naging emosyonal naman ang aming biyahe sa Samar, lalo na sa mga lugar na nasalanta ng bagyong ‘Yolanda’.
Bagamat masasabi namin na nakabangon na ang mga taga-Samar sa hagupit ng super typhoon, marami pa ring bakas ng ‘Yolanda’ ang nakita namin sa lugar.
Ilang kinukumpuning evacuation center ang natanaw namin upang maging bagong tahanan ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Marami ring mga directional sign na nagtuturo sa kinaroroonan ng mga evacuation center, bilang patunay na mas handa na ang mga residente sa mga bagyong tatami sa lugar sa mga susunod na panahon.
Dahil sa matagumpay na pagsasagawa ng Tour de Rev, nagparamdam na ang Yamaha Motor Philippines na tuloy na rin ang susunod na kabanata nito sa 2019.
Inaasahan natin na darami pa ang mga Yamaha motorcycle owner na makikibahagi sa trip na ito.
Taus-pusong pasasalamat namin sa YMPH, lalo na kina John Hansel Keyva (marketing customer relations head) at Mark Erickson Acle (senior marketing communications expert) sa pag-aalaga sa aming grupo.
Mabuhay ang Yamaha!
-Aris Ilagan